Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Thursday, 29 December 2016

Mga Alamat na Banggit sa El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal

Mga alamat ang napiling pag-usapan ng mga nasa ibabaw ng kubyerta ng bapor na sinasakyan ni Simuon.


Ang isang ikinukuwento ay ang alamat ng "Malapad na Bato." Noong hindi pa dumarating sa Pilipinas ang mga Kastila, sinasamba ng mga tao ang Malapad-na-Bato, na umano ay tirahan ng mga espiritu.

Sa katagalan ng panahon, iyon ay naging tirahan ng mga tulisan. Mula sa tugatog noon ay madali silang nakapanghaharang ng mga bangka. Kaya pagkatapos ng maraming taon, may mangisa-ngisa pa ring nakikitang nakataob na bangka sa tabi ng bato.

Si Padre Florentino naman ang nag-ulat ng isa pa ring alamat ng Ilog Pasig, ang makasaysayang alamat ng yungib ni Donya Geronima.



Noon daw araw, may isang binatang nangakong pakakasal sa isang dalaga sa kanilang bayan. Naghintay ng mahabang panahon ang dalaga sa kanyang kasuyo hanggang sa lumipas ang kanyang kagandahan at kabataan. Nanirahan  so Donya Geronima,  pangalan ng dalaga, sa isang yungib na napapalamutihan ng binulaklakang baging. May mga nagsasabing ang Donya ay nagpakataba-taba kaya kung papasok ka daw sa yungib ay patagilid.



Napabantog si Donya Geronima na isa na raw palang engkantada dahil sa ugali niyang maghagis sa ilog ng mga kasangkapang pilak. Ang kweba, pati ang tirahan niya, ay pinagdarausan ng mga kasayahan at salu-salo.

Nagwakas ang alamat sa ulat na ang kuweba daw ay pinasok ng tubig mula sa ilog, at mula noon ay hindi na nakita ang masayahing matandang dalaga.



Ang isa pang alamat na ikinuwento ng isang kasakay sa bapor ni Sumuon ay tungkol kay San Nicolas. Isang bangka na may lulang Tsino ang biglang sinalakay ng buwaya. Sumigaw ang Tsino ng pangalan ni San Nicolas at naging bato ang buwaya.

Tulad pala ng mga kabataan ngayon, mahilig ding magkwentuhan ng mga alamat ang kanunununuan natin.

Sunday, 27 November 2016

Si Mariang Makiling at Ang Alamat ng Bundok Makiling

Ayon sa mga ninuno kong taga Santo Tomas, Batangas, tunay daw na may diwatang nagngangalang Maria sa bundok ng Makiling.

Marami raw ang nakakakita sa dalaga kapag umaakyat sa bundok. Napakaganda raw at napakabait. May mga nakakahiram pa raw sa dalaga ng magagarang damit at alahas para sa mga pagdiriwang.

Paminsan-minsan, kapag may ikinakasal, nahihiraman ng trahe de boda, damit na pangkasal, at mga singsing at hikaw na gagamitin ng nobya.

Malaon nang wala na ang diwata. Wala nang makakita sa kanya kahit hanapin pa siya sa lahat ng dako ng bundok. May nagsasabing marahil daw kaya ayaw nang magpakita sa tao ay dahil marami sa mga hiniram na pag-aari niya ay hindi na isinauli. May mga tao nga namang hindi marunong magsauli ng hiniram lamang.



May nagkuwento naman na may naging kasintahan daw si Maria na isang maggagatas na naging taksil sa pagmamahalan. isinuko ni Maria ang kaniyang puso sa lalaki. Nag-ibigan  sila. Ngunit ang lalaki ay nagpakasal sa ibang dalaga na nakilala niya sa ibang bayan.

Sa laki raw ng dalamhati ng diwata, nagkasakit siya, naratay sa banig ng karamdaman, at di naglaon ay pumanaw.

Kung kayo ay papunta sa lalawigan ng Batangas at dumaan kayo sa Santo Tomas at Tanauan, matatanaw ninyo ang bundok Makiling. Tila baga isang diwata ang nakahimlay sa ibabaw ng bundok, nakalaylay ang buhok. Naghihintay pa kaya sa kasuyong hindi naging tapat sa kanilang pag-iibigan, o sa mga  kasuotang sa kanya ay hiniram?