Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Monday, 7 August 2017

Ang Alamat ng Pinya



ANG ALAMAT NG PINYA
Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang bugtong na anak. Kaya lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina. Kaya't pinabayaan na lang niya ang kanyang anak.

Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw. Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano ng anak.

 Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya't napilitang si Pinang ang gumagawa sa bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang nangyayari. Walang bagay na di makita at agad tinatanong ang kanyang ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya´t nawika nito: " Naku! Pinang, sana'y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang tanong sa akin.

 Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain.
 Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang.




 Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong uri ang halamang iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito'y magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito'y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata.

 Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pina, na sana'y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang, Sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang pinang ay naging pinya.

Thursday, 29 December 2016

Mga Alamat na Banggit sa El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal

Mga alamat ang napiling pag-usapan ng mga nasa ibabaw ng kubyerta ng bapor na sinasakyan ni Simuon.


Ang isang ikinukuwento ay ang alamat ng "Malapad na Bato." Noong hindi pa dumarating sa Pilipinas ang mga Kastila, sinasamba ng mga tao ang Malapad-na-Bato, na umano ay tirahan ng mga espiritu.

Sa katagalan ng panahon, iyon ay naging tirahan ng mga tulisan. Mula sa tugatog noon ay madali silang nakapanghaharang ng mga bangka. Kaya pagkatapos ng maraming taon, may mangisa-ngisa pa ring nakikitang nakataob na bangka sa tabi ng bato.

Si Padre Florentino naman ang nag-ulat ng isa pa ring alamat ng Ilog Pasig, ang makasaysayang alamat ng yungib ni Donya Geronima.



Noon daw araw, may isang binatang nangakong pakakasal sa isang dalaga sa kanilang bayan. Naghintay ng mahabang panahon ang dalaga sa kanyang kasuyo hanggang sa lumipas ang kanyang kagandahan at kabataan. Nanirahan  so Donya Geronima,  pangalan ng dalaga, sa isang yungib na napapalamutihan ng binulaklakang baging. May mga nagsasabing ang Donya ay nagpakataba-taba kaya kung papasok ka daw sa yungib ay patagilid.



Napabantog si Donya Geronima na isa na raw palang engkantada dahil sa ugali niyang maghagis sa ilog ng mga kasangkapang pilak. Ang kweba, pati ang tirahan niya, ay pinagdarausan ng mga kasayahan at salu-salo.

Nagwakas ang alamat sa ulat na ang kuweba daw ay pinasok ng tubig mula sa ilog, at mula noon ay hindi na nakita ang masayahing matandang dalaga.



Ang isa pang alamat na ikinuwento ng isang kasakay sa bapor ni Sumuon ay tungkol kay San Nicolas. Isang bangka na may lulang Tsino ang biglang sinalakay ng buwaya. Sumigaw ang Tsino ng pangalan ni San Nicolas at naging bato ang buwaya.

Tulad pala ng mga kabataan ngayon, mahilig ding magkwentuhan ng mga alamat ang kanunununuan natin.