Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Friday, 28 September 2018

Pinagmulan ng Pangalan ng Tagaytay, Los Baños at Laguna De Bay

Pinagmulan ng Pangalan ng Tagatay




Ito ang pinagmulan ng pangalan ng Tagaytay. Noong unang panahon, may mag-ama na nakatira sa itaas ng bundok. Isang dayuhan ang nagtanong:

Dayuhan: "Ano po ang pangalan ng lugar na ito?"

Bago nakasagot ang ama ay biglang dumating ang isang ahas. Gustong tuklawin ng ahas ang ama. Sumigaw ang anak.

Anak: "Itay may ahas sa likod mo. Tagain, Itay!"

Akala ng dayuhan ay "Taga-itay" ang pangalan ng lugar. Mula noon ay tinawag nang Tagaytay ang lugar.





Pinagmulan ng Pangalan ng Los Baños




Ito naman ang pinagmulan ng pangalan ng Los Baños. May lugar sa Laguna na kilalang-kilala sa dami ng mga bukal. Ang tawag sa lugar na ito noon ay Baño. Ang lugar ay ginawang paliguan. Ang ibig sabihin ng baño sa salitang Kastila ay paliguan. Ang bañar ay salitang Kastila na ang ibig sabihin ay ligo.

Maraming may sakit ang pumupunta doon. Ang tubig na bumubukal doon ay mainit at mabuti sa katawan ng tao.

Marami ang mga bukal na paliguan sa bayang ito, kaya tinawag ng mga Kastila ang lugar na Los Baños.


Pinagmulan ng Pangalan ng Laguna De Bay




Ito naman ang pinagmulan ng pangalang Laguna De Bay. Noong araw, ag mga Kastila ay pumasok sa ating bansa. Ang una nilang nakita ay ang dagat sa gitna ng malaking pulo sa bayan ng Laguna. Ito ay ang "Lagoon of Ba-y."

Ang "Lagoon of Ba-y" ay isinalin sa Wikang Kastila, "Laguna De Bay." Mula noon hanggang ngayon, Laguna De Bay na ang naging pangalan nito.

Friday, 14 September 2018

Ang Alamat ng Chocolate Hills version 2

Noon ay may isang malawak na kapatagan ang Chocolate Hills. Mayaman at mataba ang lupa nito. May higante ring nakatira doon. 'Yun ang paniniwala ng mga tao noong panahon ng Kastila'.

Mabait at matulungin ang higante. Tinutulungan niya ang mga tao roon na magtanim at mag-alaga ng hayop. Pinuputol din niya ang mga punong gagamitin para magtayo ng mga bahay. Kaibigan siya ng mga tao.

Dahil sa matabang lupa nito, binalak ng mga Kastila na sakupin ang bayan. Gusto nilang lusubin at angkinin ang lugar. Kaya humingi ng tulong sa kaibigang higante ang mga tao.

"Tulungan mo kami, kaibigang higante! Wala kaming laban sa mga Kastila! Ibig nilang sakupin ang lugar namin!" ang pakiusap ng mga tao.

"Huwag kayong matakot! Ako ang haharap sa kanila. Lalabanan ko sila!" ang tugon ng mabait na higante.



Sinabi ng higante sa mga tao na magtago sila sa malaking kweba. Dumating ang mga Kastila na may dalang mga armas. Handang-handa sila upang sakupin at angkinin ang lugar. Ngunit nahirapan sila dahil sa higante. Lumaban ito para ipagtanggol ang lupain. Binaril at nasugatan ng mga Kastila ang higante, pero hindi ito sumuko. Pinukol niya ng malaking tipak at tumpok na lupa ang mga kalaban gamit ang kanyang palakol.

Natakot ang mga Kastila! Umurong sila! Marami sa kanila ang namatay at natabunan ng malalaking tipak at tumpok ng lupa. Namatay din ang higante. Nalungkot at napaiyak ang buong bayan. Nawalan sila ng isang mabait at matulunging kaibigan. Inialay nito ang sariling buhay para sa kanila.

Ang mga tipak at tumpok na lupa na ipinukol ng higante sa mga kalaban ay naging maliit na burol sa Buhol. Ang lugar na ito ay tinatawag natin ngayong "Chocolate Hills."