Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Sunday, 21 October 2018

Ang Alamat ng Rambutan

Sa isang malayong pook sa Pilipinas nakatira ang mag-asawang sina Mang Kandoy at Aling Pising. Malapit ang pook na ito sa bundok ng Rabba. Araw- araw nangangahoy si Mang Kandoy sa kagubatan para gawing uling. Si Aling Pising naman ay nagpupunta sa bayan upang ipagbili ang mga nagawang uling. Walang anak sina Mang Kandoy kaya’t ganoon na lamang ang dasal nila sa Panginoon upang mabigyan sila ng anak.

Isang araw, habang nangangahoy si Mang Kandoy, nakakita ito ng isang kweba sa gitna ng kagubatan.

“Tila ngayon ko lang napansin ang kwebang ito” wika niya sa kanyang sarili

Kahit may konting takot sa kanyang kalooban ay minabuti niyang tignan kung ano ang nasa loob ng kweba. Nagulat siya ng makita niya ang isang usa na malapit ng kainin ng isang tigre. Naramdam ng pagkaawa si Mang Kandoy kaya’t agad niyang binato ng isang piraso ng matigas na kahoy ang tigre upang malihis ang atensyon nito sa usa. Nagalit ang tigre at dali-dali nitong sinunggaban si Mang Kandoy. Kaagad namang nakuha ng mangangahoy ang kanyang palakol kaya’t nasugatan nito ang tigre sa leeg nito. Walang humpay ang pagdudugo ng sugat ng tigre kaya agad agad itong kumaripas ng takbo palayo sa kweba.

Nagulat si Mang Kandoy sapagkat ang kulay ng dugo ng tigre ay abo.

“Ngayon lamang ako nakakita ng dugo na kulay abo” wika nito sa sarili.

Agad na natuyo ang dugo hanggang sa naging abo ito at humalo sa lupa.

Napansin niya ang takot na takot na usa kaya’t nagpasya ito na puntahan ito. Nagitla siya nang bago pa makalapit ay nagpalit anyo ito. Ang dating kawawang usa a naging isang napakagandang diwata subalit hindi na rin natago ang mga sugat nito. Napansin ni Mang Kandoy na ang dugo ng diwata ay puti.

Dahil sa pagkabigla at pagkatakot, nagpasya ang matanda na tumakbo na lamang pauwi pero pinigilan siya ng diwata.

“Salamat sa iyo kaibigan, nailigtas mo ako sa kamay ng itim na salamangkera. Ako si Rodona ang diwata ng budok na ito. Matagal na kitang nakikitang namumulot ng mga kahoy sa gubat na ito. Alam ko ang kabutihan ng iyong kalooban” sabi ng diwata

Hindi pa rin makapagsalita si Mang Kandoy.

“Ang tigre na iyong nakita ay si Matesa, nais niyang makuha ang bundok na ito upang dito gawin ang kaniyang salamangka. Gusto niya akong patayin at kunin ang aking puso para magkaroon ng kapangyarihan sa mga puno at hayop na naninirahan sa aking lupain.” ani Rodona





“Kung siya ay salamangkero, bakit hindi niya ginamit ang kapangyahiran niya sa akin?” tanong ni Mang Kandoy

“Walang kapangyahihan si Matesa laban sa mga nilalang sa bundok na ito, maging sa hayop, halaman, o kahit sa mga tao. Kapag nakuha na niya ang aking puso saka lamang siya magkakaroon ng kapangyarihan sa mga nilalang dito.”paliwanag ng diwata

“Labis kang nasugatan, mabuti pa siguro ay sumama ka sa akin upang magamot ng aking asawa ang iyong mga sugat.” nag-aalalang sambit ng matanda.

“Ang buhay ko ay hindi na  magtatagal, habang ako ay may kapangyarihan pa, binibiyayaan ko kayo ng iyong asawa ng isang anak. Hinihiling ko lang sana na sa aking pagpanaw ay kunin mo ang aking puso, sunugin mo, at ilagay sa banga ang abo nito. Itago mo ito sa iyong bahay upang maging proteksyon ninyo at ng lupain na ito laban kay Matesa.”naghihingalong bilin ni Rodona

Pagkatapos nito, agad na binawian ng buhay ang diwata.

Sinunod ni Mang Kandoy ang bilin ni Rodona. Ikinuwento niya ang nangyari kay Aling Pising. Makalipas ang siyam na buwan, isinilang ang isang napakalusog na batang babae. Labis na ikinatuwa ng mag-asawa ang biyayang ito,pangalanan nila ang bata na Rabona, pinaghalo ang pangalan ni Rodona at ang bundok ng Rabba.

Lumaking masayahin si Rabona. Halos nakalimutan na ng mag-asawa ang nangyari sa diwata. Minabuti nilang ilihim nila ito sa kanilang anak. Nang maglalabing anim na taon na si Rabona ay may nakita siyang isang pusa sa kagubatab. Medyo kakaiba ang pusang ito sapagkat makapal ang kulay dalandan na balahibo. Iniuwi ni Rabona ang pusang iyon.

Nang sumapit ang ika-12 ng hating gabi. Nagpalit ng anyo ang kakaibang pusa. Siya pala si Matesa. Nagsagawa ng ritwal si Matesa upang sumpain ang anak ng mag-asawa. Habang nag-oorasyon nagising si Mang Kandoy dahil sa mga bulong ng salamangkera.

“Layuan mo ang aking anak!”sigaw ni Mang Kandoy

“Hahaha! Wala ka ng magagawa Kandoy! Tignan mo ang ginawa mo sa akin. Maraming salamangka ang aking pinag-aralan para lamang maghilom ang halos napugutan kong ulo nang dahil sa pagtatanggol mo kay Rodona laban sa akin!” sagot ni Matesa

Naalala ni Mang Kandoy ang abo ng puso ni Rodona na kanyang itinago. Agad niya itong kinuha at isinaboy sa paligid ng salamangkera. Hindi nakagalaw si Matesa. Nabalot siya ng kapangyarihan ng abo ni Rodona. Agad na kinuha ni Mang Kandoy ang kanyang itak at tinaga ang mangkukulam. Nagliwanag ang buong paligid at naging abo ang katawan ni Matesa. Nagising si Rabona at takot na takot na niyakap ang kaniyang mga magulang.

Napansin ni Rabona na kumakapal ang buhok nito sa katawan. Humahaba rin ang kaniyang buhok.

“Dala ito marahil ng sumpa sa iyo ni Matesa.”sabi ng kaniyang ama

Agad silang nagpunta kay Tandang Isko, ang arbularyo sa katabing bayan.

“Mabuti na lamang at hindi natuloy ang sumpa. Maagapan natin ang walang humpay na paghaba ng kaniyang buhok, subalit hindi na natin maibabalik ang normal na kapal nito” wika ng arbularyo

Naging mas makapal nga ang buhok ni Rabona. Laging sinusuklalyan ng kaniyang ina na si Aling Pising ang kaniyang buhok. Bilin ni Aling Pising na lagi niyang aayusin ang kaniyang buhok upang hindi maging sagabal sa kaniyang mga gawain at pag-aaral.

Dala marahil ng konting pagbabago sa kanyang buhok, unti-unting nagbago ang pag-uugali ni Rabona. Naging tamad ito sa pag-aaral at sa mga gawaing bahay. Ayaw na rin niyang ayusin ang kaniyang sarili. Natuto siyang lumaban sa kaniyang mga magulang.

“Nay, ikaw na lang magsaing. Ayoko magtrabaho sa bahay sapagkat naiinis ako sa buhok na ito. Dapat niyo akong pagsilbihan dahil dito” sambit ni Rabona

“Anak, huwag kang mawalan ng pag-asa, dapat kang magpatuloy sa buhay mo at gumawa ng paraan upang malampasan ang mga pagsubok” pagsusumamo ng kaniyang ina.

 “Ah basta, ayoko na! Umalis ka na sa harapan ko at ipaghanda mo ako ng pagkain. Kayo ang may kasalanan kung bakit nagkaganito ang buhok ko!”hinanakit ng suwail na anak

“Pasensya ka na anak, ang lahat ng ginagawa namin ng iyong ama ay para sa iyo. Sige maghahanda na ako ng pagkain.”malungkot na tugon ni Aling Pising

Isang gabi, naisipan ni Rabona na sunugin ang bahay nila habang natutulog ang mga magulang niya.

Maingat niyang sinalansan ang mga tuyong kahoy sa ilalim ng kanilang bahay upang huwag magising ang kaniyang mga magulang. Nang akmang sisindihan na niya ang mga tuyong kahoy para magliyab, nagliwanag ang kaniyang paligid, lumipad ang bawat butil ng lupa at umikot sa kanya at nabalutan ng lupa ang kaniyang katawan. Nakita niya ang isang magandang babae sa kaniyang harapan.

“Ako si Rodona” ang wika ng babae

“Hindi nga ba’t ikaw ay patay na?” nagulat na tanong ni Rabona

“Oo, namatay na ako subalit nananatili ako sa puso ng iyong mga magulang. Ako ay may kaugnayan sa iyo sapagkat ako ang nagbiyaya sa iyong mga magulang upang ikaw ay isilang dahil sa kanilang busilak na kalooban. Ako ay nanatili sa iyong pagkatao subalit nagpadala ka mga pagsubok. Ang tunggalian namin ni Matesa ay hindi nagtapos ng ako ay mamatay sa kweba sa bundokng Rabba. Nagpatuloy iyon sa iyong puso. Nang dahil sa mga mumunting pagsubok, ikaw ay nagbago. Naisipan mo pang gawan ng masama ang iyong mga magulang” Dapat sana’y ikaw ay magsisilbing regalo sa kanila, subalit pinagtangkaan mo pa ang kanilang buhay!” galit na sabi ni Rodona

Nakonsiyensya ang dalaga sa sinabi ng diwata.

“Patawarin niyo po ako, nagpadala ako sa mga pagsubok. Hindi na po mauulit. Tatanggapin ko po ang anumang kaparusahan. Ayoko na pong maging pabigat sa kanila. Sana po ay maibalik ko pa ang panahon upang mabigyan sila ng kasiyahan.” pagsusumamo ni Rabona

“Huli na ang lahat. Mula sa gabing ito ay lalamunin ka na ng lupa. Ngunit nang dahil sa iyong pagsisisi ay hindi ka pa tuluyang mawawala sa kanila. Patunayan mo na hindi ka magiging perwisyo sa kanila” sabi ng diwata

At tuluyang nagliwanag ang buong paligid at nawala ang dalawa.

Kinaumagahan ay wala na sa bahay nina Mang Kandoy si Rabona. Napaiyak si Aling Pising ng makita ang mga tuyong kahoy at posporo sa ilalim ng kanilang bahay. Naisip nilang tinangka ng kanilang anak na sunugin ang kanilang bahay. Sa tapat ng posporo ay may nakita silang halaman na may kakaibang dahon.

“Ngayon ko pa lamang nakita ang halaman na ganito” sabi ni Mang Kandoy

Inalagaan ng mag-asawa ang halaman at nang lumaki ay nagkabunga. Napaluha si Aling Pising nang makita niya ang bunga nito. Makapal ang tila buhok sa balat nito. Tinikman nila ang hinog na bunga at natuwa sa tamis at sarap nito.

“Ito marahil si Rabona” wika ni Mang Kandoy

“Kahit paano’y may alaala pa rin siya sa atin. Salamat at hindi siya nawala”

Tinawag na Rabona ang bunga ng puno, hanggang maging  rabonan nang malaunan tinawag na rambutan. Ngayon ang rambutan ay isa sa masasarap na prutas na makikita natin sa ating bansa.

Lagi nating isipin na ang mga pagsubok sa buhay ay hindi dapat maging hadlang upang maipagpatuloy ang ating buhay. Lagi tayong gumawa ng mabuti sa ating kapwa lalo na sa ating mga magulang.

Friday, 28 September 2018

Pinagmulan ng Pangalan ng Tagaytay, Los Baños at Laguna De Bay

Pinagmulan ng Pangalan ng Tagatay




Ito ang pinagmulan ng pangalan ng Tagaytay. Noong unang panahon, may mag-ama na nakatira sa itaas ng bundok. Isang dayuhan ang nagtanong:

Dayuhan: "Ano po ang pangalan ng lugar na ito?"

Bago nakasagot ang ama ay biglang dumating ang isang ahas. Gustong tuklawin ng ahas ang ama. Sumigaw ang anak.

Anak: "Itay may ahas sa likod mo. Tagain, Itay!"

Akala ng dayuhan ay "Taga-itay" ang pangalan ng lugar. Mula noon ay tinawag nang Tagaytay ang lugar.





Pinagmulan ng Pangalan ng Los Baños




Ito naman ang pinagmulan ng pangalan ng Los Baños. May lugar sa Laguna na kilalang-kilala sa dami ng mga bukal. Ang tawag sa lugar na ito noon ay Baño. Ang lugar ay ginawang paliguan. Ang ibig sabihin ng baño sa salitang Kastila ay paliguan. Ang bañar ay salitang Kastila na ang ibig sabihin ay ligo.

Maraming may sakit ang pumupunta doon. Ang tubig na bumubukal doon ay mainit at mabuti sa katawan ng tao.

Marami ang mga bukal na paliguan sa bayang ito, kaya tinawag ng mga Kastila ang lugar na Los Baños.


Pinagmulan ng Pangalan ng Laguna De Bay




Ito naman ang pinagmulan ng pangalang Laguna De Bay. Noong araw, ag mga Kastila ay pumasok sa ating bansa. Ang una nilang nakita ay ang dagat sa gitna ng malaking pulo sa bayan ng Laguna. Ito ay ang "Lagoon of Ba-y."

Ang "Lagoon of Ba-y" ay isinalin sa Wikang Kastila, "Laguna De Bay." Mula noon hanggang ngayon, Laguna De Bay na ang naging pangalan nito.