Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Saturday, 24 November 2018

Alamat ng Butiki


Alamat ng Butiki

Noong araw, sa isang liblib na nayon ay may mag-ina na naninirahan sa tabi ng kakahuyan.

Ang ina; si Aling Rosa ay isang relihiyosang babae. Palagi siyang nagdarasal, at sinanay din niya ang kanyang anak na lalaki na magdasal at mag-orasyon bago sumapit ang dilim.

Ang anak; si Juan ay isang mabuti at masunuring anak. Palagi niyang sinusunod ang utos ng kanyang ina tungkol sa pagdarasal. Bago dumilim, kahit saan sya naroon ay umuuwi siya upang samahan ang ina sa pag-oorasyon sa tapat ng kanilang bahay.

Maagang namatay ang asawa ni Aling Rosa, natutuwa naman siya at naging mabait ang kanyang anak na si Juan, na nakatuwang niya sa pagtatanim at paghahanap ng mga makakain.

Sa paglipas ng panahon, mabilis na tumanda si Aling Rosa, at si Juan naman ay naging isang makisig na binata.

Si Aling Rosa an nanatili na lamang sa bahay at palaging nagpapahinga, samantalang si Juan ay siyang naghahanap ng kanilang makakain sa araw-araw. At kahit mahina na si Aling Rosa ay hindi pa rin nila nakakalimutan ni Juan ang magdasal.

Minsan, habang si Juan ay nangunguha ng bungangkahoy sa gubat, isang babae ang kanyang nakilala; si Helena.

Si Helena ay lubhang kaaki-akit, kung kaya't agad umibig dito si Juan. At dahil sa panunuyo ni Juan kay Helena, gabi na ito nang makauwi.

"O anak, ginabi ka yata ng uwi ngayon. Hindi mo na tuloy ako nasamahang mag-orasyon," ang wika ni Aling Rosa sa anak.

"Pasensiya na po, Inay! Nahirapan ho kasi akong maghanap ng mga prutas sa gubat," ang pagsisinungaling ni Juan.

Dumalas ang pagtatagpo ni Juan at Helena sa gubat. Nahulog ng husto ang damdamin ni Juan sa dalaga. Hangang minsan, nabigla si Juan sa sinabi ni Helena.

"Hanggang ngayon ay hindi ko pa nararamdaman na tunay ang pag-ibig mo sa akin, kaya nagpasya ako na ito na ang huli nating pagkikita."

"Ngunit, bakit? Sabihin mo, paano ko mapapatunayan sa iyo na tunay ang aking pag-ibig. Sabihin mo at kahit ano ay gagawin ko," ang pagsusumamo ni Juan.

"Maniniwala lamang ako sa pag-ibig mo, kung dadalhin mo sa akin ang puso ng iyong ina na nasa iyong mga palad!" ang matigas na wika ni Helena.







Hindi makapaniwala si Juan sa narinig. Malungkot itong umuwi dahil binigyan siya ng taning ni Helena. Kailangan niyang madala ang puso ni Aling Rosa bago maghatinggabi

Nang dumating si Juan sa kanilang bahay ay agad siyang niyaya ni Aling Rosa na mag-orasyon. Nagtungo ang mag-ina sa harap ng kanilang bahay. Ngunit habang nagdarasal iba ang nasa isip ni Juan. Naiisip niya ang pag-iibigan nila ni Helena. At bigla, hinugot ni Juan ang kanyang itak at inundayan si Aling Rosa sa likod. Bumagsak sa lupa ang ina ni Juan, at kahit nanghihina na ay nagsalita ito.

"Anak, bakit? Ngunit anupaman ang iyong dahilan ay napatawad na kita. Ngunit humingi ka ng tawad sa Diyos! Napakalaking kasalanan ang nagawa mo sa iyong sariling ina," ang umiiyak na wika ni Aling Rosa.

"Dios ko po, Inay! Patawarin n'yo ako!" ang nagsisising nawika ni Juan na nagbalik sa katinuan ang isip. Umiyak nang husto si Juan lalo na nang pumanaw ang kanyang ina.

Kasabay niyon ay bigla na lamang nagbago ang anyo ni Juan. Siya ay naging isang maliit na hayop na may buntot. Si Juan ay naging isang butiki; ang kauna-unahang butiki sa daigdig.

Mula sa malayo, natanaw ni Juan si Helena na papalapit. Nasindak si Juan nang makita niyang si Helena ay naging isang napakapangit-pangit na engkanto. Humalakhak itong lumapit.

Sa takot, dagling gumapang si Juan papanhik ng bahay hanggang makarating sa kisame.

Nakita rin ni Juan ang engkanto, sa labis na katuwaan ay naging iba't ibang uri ng kulisap at insekto, at naglaro sa paligid.

Agad na pinagkakain ng butiking si Juan ang mga kulisap na napagawi sa kanya. At dahil doon ay hindi na nakabalik sa dating anyo ang engkanto, at nagtago na lamang ito sa mga halamanan bilang kulisap.

Nagsisi ng husto si Juan ngunit huli na. At bilang pag-alala sa kanyang ina, sinasabing si Juan at ang sumunod pa niyang lahi ay patuloy na bumababa sa lupa bago dumilim upang mag-orasyon.

At hanggang sa ngayon nga ay patuloy pa ring pinupuksa ng mga butiki ang mga kulisap na sa paniniwala nila ay mga engkanto.


Sunday, 21 October 2018

Ang Alamat ng Makopa

Noong araw ang mga tao ay mababait at masunurin.  Sila ay masipag at madasalin.  Namumuhay sila nang tahimik at maligaya sa isang nayon.

Relihiyoso ang mga taga-nayon.  Sa kanilang simbahan ay may isang gintong kampana na nagsisilbing inspirasyon sa lahat.  Napakasagrado at iniingatan ng mga mamamayan.  Ang kampana ay kanilang inspirasyon upang magsikap na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Nabalitaan ng mga masasamang loob sa malayong pook ang tungkol sa gintong kampana.  Hinangad nila itong magkaroon din ng masaganang buhay.  Lihim nilang pinag-isipan kung paano nanakawin ang kampana.

Sa kabutihang palad ay nabalitaan ng mga pari ang balak ng mga masasamang loob.  Ibinaba nila ang kampana at ibinaon ito sa bakuran ng simbahan.  Nangako sila na ipagtatanggol nila ang kampana kahit na sila ay mamatay.

Galit na galit ang mga masasamang loob nang dumating sa simbahan.  Hinanap nilang mabuti ang kampana ngunit hindi makita.  Sa galit ng mga masasamang loob ay pinatay ang lahat ng tao sa loob ng simbahan sapagkat ayaw ituro ang pinagtaguan ng kampana.

Anong lungkot ng buong nayon nang malaman ang nangyari.  Patay na ang pari, mga sakristan at ilang katulong sa simbahan.






Inilibing ng taong bayan ang bangkay ng mga nasawi at pinarangalan ang mga ito.  Mula noon ang taginting ng kampana ay hindi na narinig sa nayon.  Ang mga tao ay nawalan na rin ng ganang maghanap-buhay, nawalan ng sigla at pag-asa.

Isang araw ay nagulat na lamang ang taong bayan nang makita ang isang puno na tumubo at mabilis na lumaki sa bakuran ng simbahan.  Nagbunga ito ng marami na hugis kampana, makikislap na pula ang labas at maputing parang bulak ang laman.  Sapagkat nasa bakuran ng simbahan ang mga bunga ay sa gintong kopa sa simbahan naihambing ng mga tao.

Simula noon, ang puno ay nakilala sa tawag na Makopa.