Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Saturday, 3 August 2019

Alamat ng Ahas


Noong unang panahon, ang mga ahas ay may malalakas at makukulay na pakpak at anim na paa. Ang kanilang balat ay napakakinis at masarap haplusin. Napakaamo nila at sila'y kaibigan ng lahat ng hayop. Napakalamyos ng kanilang tila musikang tinig na daig pa ang huni ng anumang ibon sa gubat.

Ang mga ahas ang pinakapaboritong hayop ng diwata ng kagubatan. Napakamasunurin kasi nila at matapat. Tuwang-tuwa ang diwata sa magandang musika hatid ng mga ahas. Kinaiinggitan sila ng iba pang mga hayop dahil sa pagiging malapit ng diwata sa kanila. "Mabuti pa ang mga ahas. Nakakapaglabas-masok sila sa kaharian ng diwata. Alam na alam nila ang bawat sulok dito," ang naiinggit na wika ng ibang hayop.

May isang pinakaiingatang kahon ang diwata. Ito ay ang kahon ng kapangyarihang nakatago sa kanyang silid na may ginintuang pinto. Nang minsang umalis ang diwata upang tingnan ang kalagayan ng kagubatan ay binilinan nya ang mga ahas na pamahalaan ang kanyang kaharian. "Maaari ninyong buksan ang lahat ng silid at magmasid sa loob ng mga ito subalit huwag na huwag kayong papasok sa silid na may ginintuang pinto. Kayo na muna ang mamahala rito." ang bilin niya.

Nilibot ng mga ahas ang palasyo upang magmasid sa lahat ng mga nagtatrabaho rito. Nang matapat sila sa pintong ipinagbabawal ay hindi nila napigilan ang napakalakas na tukso ng kinang nito. "Ano kaya ang itinatago rito ng diwata? Baka may iba pang bagay rito na makadaragdag sa ating kakaibang katangian," ang sabi ng isang ahas.

Nilason ng paghahangad sa kapangyarihan ang kanilang mga puso. Binuksan nila ang ginintuang pinto at nakita nila sa isang pedestal  ang kahon ng kapangyarihan. Binuksan ng isa ang kahon at napuno ng liwanag ang buong silid. Nang kanila itong isinara ay naghintay sila ng kakaibang magaganap sa kanila subalit tila walang nangyari.

"Tulong! Tulungan n'yo ako. Parang awa n'yo na!" ang tinig na bigla nilang narinig. Dagli silang lumipad upang sumaklolo. Nakita nila ang isang unggoy na may palaso sa dibdib. Nang haplusin ng isang ahas ang sugat nito ay agad itong gumaling! Namangha sila sa bagong kapangyarihan.

Nabalitaan ng buong kaharian at kagubatan ang pangyayari kaya dumagsa sa kanila ang mga sugatang hayop. Nagalak sila sa kanilang bagong kakayahan. Hindi pa lumulubog ang araw ay marami na ang humahanga at halos sumamba sa mga ahas sa husay nila sa panggagamot. Nakita nilang pwedeng pagkakitaan ang bagong kapangyarihan kaya humingi sila ng pilak bilang kabayaran sa kanilang pagpapagaling. Pinasok na rin ng kasakiman ang kanilang puso.




Galit na galit ang diwata nang matuklasan ang pangyayari. Alam niyang nabuksan ang kahon ng kanyang kapangyarihan. "Sinuway nila ang aking mahigpit na utos. Mga lapastangan! Hanapin at iharap sila sa akin sa lalong madaling panahon!" ang galit na galit na utos ng diwata. Nalaman ng mga ahas ang utos ng diwata kaya nagtago sila agad. Noong una'y hindi mahuli-huli ng mga inutusang  hayop ang mga ahas. Kapag nakaramdam kasi ang mga ito na dumarating ang mga darakip sa kanila'y mabilis silang tumatakbo o lumilipad papalayo. Dumating ang araw na sila'y nakatulog nang mahimbing dahil sa matinding pagod sa katatago. Dito sila natagpuan at nadakip.

"Mga traydor! Gagapang kayo sa hirap at kamumuhian kayo ng lahat ng nilalang! Ako pa rin ang pinakamakapangyarihan sa buong kaharian. Ang inyong kakayahang magpagaling ay mapapalitan ng lasong nakamamatay. Mawawala ang maganda ninyong tinig at ituturing kayong kaaway ng lahat. Hindi kayo papayagang makalapit at mamuhay malapit sa mga tao. Kung kayo ay kanilang makikita ay kikitilin agad nila ang inyong buhay. Nakatatak sa kanilang isip na kayo ay taksil at handang manuklaw anumang oras!" ang matapang na sumpa ng diwata sa mga ahas nang iharap sila sa kanya.


Dagling nawala ang malalaki at makukulay na pakpak ng mga ahas at maging ang kanilang mga paa ay naglahong parang bula pagkabigkas ng diwata ng sumpa. Ang dating makinis nilang balat ay biglang tinubuan ng makapal na kaliskis. Naglaho ang matimyas nilang tinig. Ang kanilang mga pangil ay naglalaman na ngayon ng makamandag na lason.

Tuesday, 2 July 2019

Alamat ng Hagdan-Hagdang Palayan sa Ifugao

Ang guro sa Banaue ay kinakausap ng isang lider ng sitio. Ang sabi ng lider, "Ipinagmamalaki ng Banaue ang kanyang alamat na bantog na nantog sa buong Bulubundukin. Ang Ifugao Rice Terraces ay ikawalong himala sa daigdig. Alam mo ba kung paano nagmula ito?" Si G. Malintong ang guro ay sumagot, "Ikinalulungkot ko hindi ko po alam. Gusto ko sanang pakinggan."

Nagsimula ang pagkukwento ng lider habang ngumunguya-nguya ng buyo. "Noong pang kauna-unahang panahon ang mga tao sa Bulubundukin ay may mga kaya sa buhay. Dahil sa kanilang kasaganahan ay nakalimot tuloy sila sa Diyos. Si Kabunian ay nagalit kaya pinarusahan ang mga mamamayan. Umulan ng walang patid kaya nagkaroon ng malaking baha. Tumaas ng tumaas ang tubig hanggang wala nang Makita sa paligid liban sa mga Bundok ng Pulog at Anuyao. Ang lahat ng may buhay ay nangalunod. Namatay lahat ng mga tao at ang natira lamang ay si Wigan at Bugan nama'y sa Bundok ng Anuyao. Nais magluto ni Wigan subalit walang apoy. Kanyang natanaw na may liwanag na nagmumula sa bundok ng Anuyao. Kahit di pa gasinong lumalaki ang baha, kanyang nilangoy ang bundok. Siya'y tinanggap ni Bugan ng buong kasiyahan.

Nang sumunod na araw ay humupa na ng patuluyan ang baha kaya ang dalawa ay lumusong sa bundok ng Anuyao. Sapagkat napag-alaman nila na walang natira sa kanilang tribo, nang magpatuloy ang buhay, sila'y nagsama bilang mag-asawa. Ang dalawang ito'y nag-isang dibdib, pati ang kanilang mga inaanak ay ang pangasawahan din kaya hindi nagtagal dumami ang tao.




Lumipas ang taon. Isang araw si Kabagan, isa sa mga apo ni Duntungan ay nagtanim ng palay sa banlikan. Ang dakilang Diyos ay nagpakita sa kaniya aat nagsalita, "Kilala kitang mabuting tao. Dapat gantimpalaan kita sa iyong trabaho. Kung susundin mo ang aking mga tagubilin, kakasihan ka ng mga Diyos." "Anong gusto mong gawin ko, Kabunian?"

Ang Dakilang Diyos ay sumagot, "Sabihin mo sa mga tao na gumawa ng caƱao araw at gabi ng tatlong araw nang upang ako'y ipagbunyi. Kung ako'y masiyahan, uunlad ang inyong tribo."

Ipinag-bigay alam ni Kabagan sa ulo ng tribo ang kanyang narinig. Nagsimula ang paghahanda hanggang sa matupad ang nasabing seremonya kay Kabunian. Kinabukasan, si Kabaganay nagpunta sa kanyang taniman ng palay. Samantalang nagtatrabaho, napakita uli sa kanya ni Kabunian. Siya'y nagsalita, "Mabuti anak. Ako'y nasiyahan sa inyong parangal. Makinig ka ito ang aking gantimpala. Kita'y bibigyan ng aking supling ng palay na kung tawagi'y inbagar. Kinuha ko ito sa mahiwagang batis. Itanim sa iyong tumana. Ang tumana sa lahat ng oras ay dapat puno ng tubig. Magtayo ka ng dike sa paligid ng iyong taniman. Ang malapot na putik at ang batong-buhay na yaon," tuloy turo sa duminding, ' ay kaloob ng Diyos. Hala, sundin mo ang aking tagubilin at umasa kang sa mga teres ay makikipagtagalan sa panahon."

"Salamat po, Diyos ko," ag sagot ni Kabagan nang buong pakumbaba. Nagsimulang magtayo ng dike si Kabagan. Kanyang itinayo ang teres ng palay na ayon sa tagubilin ng Kabunian. Nagsigaya ang mga kapitbahay ni Kabanagan. Ang lahat ay tumulad hanggang ang buong Ipugaw ay natalikupan ng mga teres na ngayo'y ating ipinagmalaking hagdan-hagdang taniman ng palay na itinayo ng ating mga ninuno, isang obra maestro ng inhenyeriya.