Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Thursday, 26 February 2026

Kwentong Bayan - Si Mariang Mapangarapin

Kwentong Bayan: Si Mariang Mapangarapin

Magandang dalaga si Maria.  Masipag siya at masigla.  Masaya at matalino rin siya.  Ano pa't masasabing isa na siyang ulirang dalaga, kaya lang sobra siyang pamangarapin.  Umaga o tanghali man ay nangangarap siya.  Lagi na lamang siyang nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip at nangangarap nang gising.  Dahil dito, nakilala siya sa tawag na Mariang Mapangarapin.  Hindi naman nagalit si Maria bagkos pa ngang ikinatuwa pa yata niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.


Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang dumalagang manok.  Tuwang-tuwa si Maria!  Inalagaan niyang mabuti ang alaalang bigay sa kanya ng iisang manliligaw niya.  Nagpagawa siya sa kanyang ama ng kulungan para sa mga manok niya.  Higit sa karaniwang pag-aalaga ang ginawa ni Maria.  Pinatuka niya at pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa tanghali at sa hapon.  Dinagdagan pa ito ng pagpapainom ng gamot at pataba.  At pinangarap ni Maria ang pagdating ng araw na magkakaroon siya ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming itlog.


Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na nag-itlog ang lahat na inahing manok na alaga ni Maria.  Labindalawang itlog ang ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw.  At kinuwenta ni Maria ang bilang ng itlog na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa loob ng pitong araw sa isang linggo.  Kitang-kita ang saya ni Maria sa kanyang pangarap.


At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa araw-araw.  Nabuo ito sa limang dosenang itlog.  At isang araw ng linggo ay pumunta sa bayan si Maria.  Sunong niya ang limang dosenang itlog.  Habang nasa daan ay nangangarap nang gising si Maria.  Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang itlog.  Pagkatapos, bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bistida at saka lumakad siya ng pakendeng-kendeng.  Lalong pinaganda ni Maria ang paglakad nang pakendeng-kendeng at BOG!


Nahulog ang limang dosenang itlog!  Hindi nakapagsalita si Maria sa kabiglaan.  Saka siya umiyak nang umiyak.  Naguho ang kanyang pangarap kasabay ng pagbagsak ng limang dosenang itlog na kanyang sunung-sunong.


Mensahe: Gawing makatotohanan ang layunin o adhika upang ito ay maisakatuparan.


Sanggunian: Aragon, Angelita L. Mga Alamat at iba pang mga Kuwento (Legends and other Stories). Quezon City: Tru-Copy Printing Press, 1986, pp. 84-85.


Tuesday, 2 December 2025

Ang Alamat ng Pinakamaliit Isda (Sinarapan)

Ang Alamat ng Pinakamaliit Isda (Sinarapan)

Ang mag-asawang hari at reyna sa pampang ng kilalang lawa ng Buhi ay nagtayo ng isang magandang palasyong kinaiinggitan ng ibang hari. Ang reyna ay mahal ng hari kaya anuman ang mahiling nito ay pilit na sinusunod.

Pagkaraan ng ilang panahon ng kanilang matamis na pagsasama ay naglihi ang reyna. Kung anu-anong pagkain ang hiniling at idinulot naman ng hari, subalit pagkaharap ay ipinalalayo sapagkat hindi niya maibigan. Sa gayon nang gayon ay nangayayat ang reyna at nagkasakit. Ang hari ay halos masiraan ng bait. Inutusan ang lahat na kumuha ng lahat ng uring pagkain at mga bungangkahoy. Ang utos ay tinupad ng mga kawal at ng buong kaharian upang baka sakaling magustuhan ng maysakit.


Napangiti ang reyna nang makita ang bunton ng suhang naninilaw ang balat. Nagpatalop ang hari. Nang mabuksan, nakita ng reyna ang mga butil ng suha. Siya'y natakam at kumain. Nasarapan siya sa katas nito.


Gumaling ang reyna at nasiyahan ang hari. Umasa ang hari na bukas-makalawa ay magkakaroon din ng tagapagmana.


Isang gabi ay lumakas ang ulan at hangin. May kidlat at kulog. Lumaki ang tubig at sinundan pa ng malalakas na lindol. Gayon na lamang ang takot ng mga tao. Ilang araw ding masungit ang panahon. Umapaw ang tubig sa palagid ng palasyo. Akala nila'y delubyo na.


Nang tumigil ang bagyo, ang mga tao ay nagtaka nang gayon na lamang nang makita nila na ang Lawang Buhi ay punung-puno ng maliliit na isda na noon lamang nila nakita sa tanang buhay nila. Ipinagbigay-alam sa mag-asawang hari at reyna ang kanilang nakita.


"Natatandaan ninyo," ang sabi ng hari na natatawa, "noong mga nagdaang buwan, bago pa bumagyo at lumindol, ay inutusan ko ang lahat ng kawal upang maghanap ng pagkain at bungangkahoy para sa aking asawa?"


"Totoo po," ang sagot ng mga tao. "Hindi po lamang ang mga kawal ang naghanap kundi buong bayan. Nalalaman naming naglilihi ang Kamahal-mahalang Reyna."


"Puwes," ang nakangiting sabi ng hari, "isa sa mga bungangkahoy na nagustuhan ng reyna ay suha. Kinain niya ito, sinipsip ang masarap at matamis na katas at ang sapal ay dito sa lawa na ito itinapon. Nang bumaha at lumindol ay walang salang nagbinhi ang mga sapal ng suha. Iyan ang dahilan kung bakit sumingaw ang napakaliit na isdang ito. Masdan ninyo," ang sabi ng hari. "Suriin ninyo ng mabuti at makikitang ang maliit na katawan ng isda ay kahugis ng butil ng suha."


Mula noon ang maliit na isdang nagbuhat sa sapal ng suha ay nakilala sa tawag na "sinarapan" na ngayon ay naglipana sa lawa ng Buhi, Camarines Sur.