Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Thursday, 26 February 2026

Kwentong Bayan - Nakalbo ang Datu

Kwentong Bayan: Nakalbo ang Datu


Ang kuwentong ito ay tungkol sa ating kababayang Muslim.  May katutubong kultura ang mga Pilipinong Muslim tungkol sa pag-aasawa.  Sa kanilang kalinangan, ang isang lalaki ay maaaring mag-asawa nang dalawa o higit pa kung makakaya nilang masustentuhan ang pakakasalang babae at ang magiging pamilya nila.

May isang datu na tumandang binata dahil sa paglilingkod sa kanyang mga nasasakupan.  Lagi siyang abala sa pamamahala ng kanilang pook.  Nalimutan ng datu ang mag-asawa.  Siya ay pinayuhan ng matatandang tagapayo na kinakailangan niyang mag-asawa upang magkaroon siya ng anak na magiging tagapagmana niya.

Napilitang mamili ang datu ng kakasamahin niya habang buhay.  Naging pihikan ang datu dahil sa dami ng magagandang dilag sa pinamumunuang pamayanan.  Sa tulong ng matiyagang pagpapayo ng matatandang bumubuo ng konseho, natuto ring umibig ang datu.  Ngunit hindi lamang iisang dilag ang napili ng datu kundi dalawang dalagang maganda na ay mababait pa.  Dahil sa wala siyang itulak-kabigin kung sino sa dalawa ang higit niyang mahal kaya pinakasalan niya ang dalawang dalaga.

Ang isa sa dalagang pinakasalan ng datu ay si Hasmin.  Siya ay batang-bata at napakalambing.  Kahit na matanda na ang datu, mahal ni Hasmin ang asawa.  Mahal na mahal din siya ng datu kaya ipinagkaloob sa kanya ang bawat hilingin niya.  Dahil sa pagmamahal sa matandang datu, umisip si Hasmin ng paraan upang magmukhang bata ang asawa.

Ah! Bubunutin ko ang mapuputing buhok ng datu.  Sa ganito, magmumukhang kasinggulang ko lamang siya.

Ganoon nga ang ginawa ni Hasmin.  Sa tuwing mamamahinga ang datu, binubunutan ni Hasmin ng puting buhok ang asawa.  Dahil dito, madaling nakakatulog ang datu at napakahimbing pa.

Mahal din ng datu si Farida, ang isa pa niyang asawa.  Maganda, mabait si Farida ngunit kasintanda ng datu.  Tuwang-tuwa si Farida kapag nakikita ang mga puting buhok ng datu.  Kahit maganda siya, ayaw niyang magmukhang matanda.

Tuwing tanghali, sinusuklayan ni Farida ang datu.  Kapag tulog na ang datu, palihim niyang binubunot ang itim na buhok ng asawa.

Dahil sa ipinakikitang pagmamahal ng dalawa sa asawa, siyang-siya sa buhay ang datu.  Maligayang-maligaya ang datu at pinagsisihan niya kung bakit di kaagad siya nag-asawa.  Ngunit gayon na lamang ang kanyang pagkabigla nang minsang manalamin siya, Hindi niya nakilala ang kanyang sarili.

Kalbo! Kalbo, ako!  sigaw ng datu.

Nakalbo ang datu dahil sa pagmamahal ni Hasmin at ni Farida.


Mensahe: Ang pagmamahal ay naipakikita sa iba't-ibang paraan.


Sanggunian: Aragon, Angelita L. Mga Alamat at iba pang mga Kuwento (Legends and other Stories). Quezon City: Tru-Copy Printing Press, 1986, pp. 80-81.


(source: http://kapitbisig.com/philippines/information/arts-and-literature-mga-kuwentong-bayan-folktales.190)


Kwentong Bayan - Ang Punong Kawayan

Kwentong Bayan: Ang Punong Kawayan

Sa isang bakuran, may ilang punungkahoy na may kanya-kanyang katangian.  Mabunga ang Santol, mayabong ang Mangga, mabulaklak ang Kabalyero, tuwid at mabunga ang Niyog.  Ngunit sa isang tabi ng bakuran ay naroroon ang payat na Kawayan.

Minsan, napaligsahan ang mga punungkahoy.

Tingnan ninyo ako,  wika ni Santol.  Hitik sa bunga kaya mahal ako ng mga bata.

Daig kita, wika ni Mangga.  Mayabong ang aking mga dahon at hitik pa sa bunga kaya maraming ibon sa aking mga sanga.

Higit akong maganda, wika ni Kabalyero.  Bulaklak ko'y marami at pulang-pula.  Kahit malayo, ako ay kitang-kita na.

Ako ang tingnan ninyo.  Tuwid ang puno, malapad ang mga dahon at mabunga, wika ni Niyog.  Tekayo, kaawa-awa naman si Kawayan.  Payat na at wala pang bulaklak at bunga.  Tingnan ninyo.  Wala siyang kakibu-kibo.  Lalo na siyang nagmumukhang kaawa-awa.

Nagtawanan ang mga punungkahoy.  Pinagtawanan nila ang Punong Kawayan.

Nagalit si Hangin sa narinig na usapan ng mga punungkahoy.  Pinalakas niya nang pinalakas ang kanyang paghiip.  At isang oras niyang pagkagalit ay nalagas ang mga bulaklak, nahulog ang mga bunga at nangabuwal ang puno ng mayayabang na punungkahoy.  Tanging ang mababang-loob na si Kawayan ang sumunud-sunod sa hilip ng malakas na hangin ang nakatayo at di nasalanta.


Mensahe: Ang kababaang-loob, papuri ang dulot.


Sanggunian: Aragon, Angelita L. Mga Alamat at iba pang mga Kuwento (Legends and other Stories). Quezon City: Tru-Copy Printing Press, 1986, pp. 77-78.