Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Thursday, 26 February 2026

Maikling Kwentong Bayan - Ang Batik ng Buwan

 

Maikling Kwentong Bayan: Ang Batik ng Buwan

Maikling Kuwento ng Bayan Ng Bisaya

Mag-asawa ang araw at ng buwan. Marami silang mga anak na bituin. Gustung-gusto ng araw na makipaglaro sa kanyang mga anak at ibig na ibig niyang yakapin ang mga ito ngunit pinagbawalan siya ng buwan sapagkat matutunaw ang mga bituin sa labis na init ng araw. Kinagagalitan ng araw ang mga anak kapag lumalapit sa kanya.

 Isang araw, nagtungo sa ilog ang buwan upang maglaba ng maruruming damit. Ipinagbilin niya sa asawa na bantayan ang mga anak ngunit huwag niyang lalapitan ang mga ito. Binantayan nga ng araw ang mga anak. Buong kasiyahan niyang pinanood ang mga ito habang naghahabulan. Nakadama siya ng pananabik at hindi siya nakatiis na hindi yakapin ang mga anak. Bigla niyang niyakap ang lipon ng maliliit na bituin nang madikit sa kanya ay biglang natunaw.

Hindi naman nagtagal at umuwi n ang buwan. Nagtaka siya sapagkat malungkot ang asawa. Naisipan niyang bilangin ang mga anak ngunit hindi nya nakita ang maliliit kaya't hinanap niya ang mga ito kung saan-saan. Hindi niya matagpuan ang mga anak. Sa gayo'y sinumabatan niya ang asawa. "Niyakap mo sila? Huwag kang magsisinungaling!”

Hindi na naghintay ng sagot ang buwan. Mabilis niyang binunot ang isang punong saging at tinangkang ipukol sa asawa na nakalimutan na ang kanyang kasalanan. Ang tanging nasa isp niya ay kung paano niya maipagtatanggol ang sarili sa asawang galit na galit. Dumampot siya ng isang dakot na buhangin at inihagis sa nukha ng buwan at dahilan sa nangyari ay nagkaroon ng batik ang mukha ng buwan. Hinabol ng buwan ang araw upang makaganti sa ginawa nito sa kanya at hanggang ngayon ay hinahabol pa rin ng buwan ang araw.




Kwentong Bayan - Ang Kalabasa at ang Duhat

Kwentong Bayan: Ang Kalabasa at ang Duhat

Noong unang panahon nagtanim si Bathala ng kalabasa at duhat.  Gusto niyang makita kung papano magsilaki ang mga ito.


Dahil si Bathala ang nagtanim, kaydali nilang lumaki.  Si Duhat ay lumaki pataas na ang itinuturo’y kalangitan, at ilang araw pa ay nakahanda na itong mamunga.


Sabik na sabik na akong mamunga, wika ni Duhat.


Si Kalabasa naman ay humaba, ngunit hindi tumaas.  Gumapang lang ito nang gumapang, hanggang sa ito’y nakatakda nang mamunga.


Ngunit hindi malaman ni Bathala kung anong uri ng bunga ang ipagkakaloob niya sa dalawang ito.

Matamang nag-isip si Bathala.


Ang duhat na nilikha ko’y malaki, nararapat lamang na malaki rin ang kanyang bunga.  At si Kalabasa naman ay gumagapang lamang, at walang kakayahang tumayo, nararapat lamang na ang mga bunga nito’y maliliit lamang.  Wika ni Bathala.


Ganyan nga ang nangyari.  Si Duhat ay namunga ng sinlaki ng banga.  Agad niyang nakita na hindi tama ito, sapagkat nababali ang mga sanga nito dahil sa bigat ng bunga.  Si Kalabasa nama’y hindi bagay dahil maliit ang bunga.  Di pansinin ang mga bunga nito lalo’t natatakpan sa malalapad na dahon.

Muling nag-isip ng malalim si Bathala.  Tunay na hindi siya nasiyahan.

Napagpasiyahan niyang ipagpalit ang mga bunga ng mga ito.  At napatunayan niyang tama ang kanyang ginawa, sapagkat ang kalabasa, mahinog man ito’y hindi malalaglag dahil ang puno ay gumagapang lamang.  Samantalang ang duhat, malaglag man ay magaan, hindi masisira at ginawa naman niyang kulay berde ang kalabasa sa dahilang ito’y malayo sa araw.  At kulay itim naman ang duhat.  Pagkat ito’y malapit sa araw.


At sa kanyang ginawa’y nalubos ang kasiyahan ni Bathala.


(Source: http://www.kabisig.com/philippines/tagalog-version-of-folktales-mga-kuwentong-bayan-ang-kalabasa-at-ang-duhat-kuwentong-bayan-folktale_314.html)