Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Tuesday 28 June 2016

Alamat ng Paruparo


Magkapatid sina Rona at Lisa ngunit magkaibang-magkaiba ang ugali nila. Masipag si Rona ngunit si Lisa ay walang inaatupag kundi ang magpaganda.

Habang naglilinis ng bahay, nagluluto o naglalaba si Rona, si Lisa ay nasa harap ng salamin, nagsusuklay, at nag-aayos lagi ng sarili.

"Ate, tulungan mo naman ako. Ang dami kong labahing damit. Karamihan naman ay sa iyo," sabi ni Rona sa kapatid isang umaga.

"May gagawin pa ako. Kayang kaya mo naman iyan." Naisip ni Lisa na pipitas na siya sa hardin ng bulaklak na maipapalamuti sa kanyang buhok.

Pumunta na nga si Rona na mag-isa sa tabing ilog para maglaba. Si Lisa ay bumaba sa kanilang hardin sa harapn ng bahay. Habang pinipili niya kung aling bulaklak ang magandang iipit sa buhok, may matandang babae na lumapit sa tarangkahan.

"Ineng, maari mo ba akong malimusan?" samo ng matanda.

"Wala! Wala akong maililimos," pakli ni Lisa na patuloy sa paghahanap ng mailalagay sa buhok.

"Kahit na kapirasong tinapay. Ako lamang ay gutom na gutom na."

"Sinabi nang wala!" sigaw ni Lisa, sabay pagpitas sa isang bulaklak na maganda ang kulay.

Nagalit ang matanda "Hindi ka lang pala tamad, maramot ka pa at walang galang sa matanda. Gagawin kitang tulad niyang hawak mong bulaklak ngunit isang kulisap."

Engkantada pala ang matandang babae.

Nang bumalik sa bahay si Rona, hinanap niya ang kapatid. Pumunta siya sa hardin dahil alam niyang mahilig ito sa mga bulaklak. Subalit wala si Lisa. Ang napasin ni Rona ay ang paruparong lumilipad-lipad sa ibabaw ng mga bulaklak.

At iyon ang alamat ng paruparo.

Saturday 25 June 2016

Kung Bakit sa Gabi Lumilipad ang Paniki

Dati raw, mahigpit na magkagalit ang mga ibon at mga hayop lupa. Mabangis silang pare-pareho at kapag nakikita ang isa sa mga kaaway ay pinagtutulungan.

Sa kabilang dako, ang paniki ay isang hayop na mahiyain at hindi sumasali sa awayan. Iniiwasan niya ang ibon at pati ang mga hayop lupa. Ngunit isang umaga hindi nya naiwasan ang isang leon. Sa pamamasyal niya sa malapit sa kweba, biglang may lumabas na leon.

Akma na siyang papatayin nang nagsalita siya. "Huwag! Huwag mo akong patayin. Hindi mo ako kaaway. Ako'y tulad mo. Tingnan mo, pareho mo akong dalawa ang taynga at isa ang nguso."

Tningnang mabuti ng leon ang paniki, at tunay nga, may taynga at ngusong katulad niya. "Sige, umalis kana. Pag nakakita ka ng ibon, tawagin mo ako," bilin nya sa paniki.

Isang hapon, nasalubong naman ng ibon ang agila. Hinawakan siya nito ng malalaking kuko. "Huwag mo akong saktan,"  iyak nya. "Ako'y ibong tulad mo. Masdan mo't may pakpak rin ako."

"Ah.." sabi ng agila. "Isa ka rin palang ibon. May pakpak at nakalilipad. Magkakampi pala tayo."

At mula noon, takot na ang paniki na lumabas nang maliwanag pa. Baka kasi may makasalubong siyang hayop sa lupa , o di kaya ay ibong lumilipad. Lagi na lamang sa gabi siya lumalabas sa kanyang pinananatilihang lugar.

Ang iyon ang dahilan kung bakit sa gabi lumilipad ang paniki.