Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: April 2021

Wednesday, 28 April 2021

Alamat ng Pechay or Petsay

Sa isang nayon sa Bungahan ay may mag-anak na naninirahan na ubod ng ingay. Maraming mga puno at halaman sa lugar na iyon. Madalas na inuutusan ng nanay ang kanyang mga anak na sina Fe at Chai na mamitas ng mga bunga ng puno at halaman. Pilyo ang magkapatid kaya madalas mapagalitan at nasisigawan ng kanilang ina.


Isang araw inutusan sila ng kanilang ina na manguha ng mga bunga sa kakahuyan. Masayang-masaya at patakbo-takbo sina Fe at Chai papuntang kakahuyan ngunit sa halip na manguha ng bunga ay panay laro lamang ang ginawa. Namahinga sila sandali sa maliit na kubo. Matapos mamahinga ay naghabulan ulit ang dalawa, nakakita sila ng maliit na kweba. 


Pumasok sila upang maglaro. Sa kasamaang palad hindi na nakalabas ang dalawang bata. Labis na nag-alala ang kanilang ama at ina dahil madilim na ay wala pa ang kanilang mga anak.


“Tay, gabi na ay wala pa sina Fe at Chai nasaan na kaya sila?” Wika ng ina.


“Baka naman pauwi na sila, alam mo naman ang mga iyon kapag inutusan mo ay may kasamang laro kaya matagal.” Wika naman ng ama.


Naidlip na ang mag-asawa ngunit paggising nila ay wala pa rin ang magkapatid.


“Tay, bukas na bukas pagbukang-liwayway ay hanapin mo sila sa kakahuyan.” Ang nag-aalalang tinig ng ina.


“Oo sige mabuti pa maghapunan na tayo at baka nakatulog na sina Fe at Chai roon sa ating kubo sa kakahuyan.” Wika ng ama.


Kinaumagahan ay hinanap ng kanilang ama ang magkapatid habang abala naman ang ina sa pagdidilig ng mga tanim na gulay.


“Nalibot ko na ang buong kakahuyan at kubo natin pero wala roon sina Fe at Chai.” Ang malungkot na wika ng ama.


Napaiyak na lamang ang mag-asawa sa pagkawala ng kanilang mga anak.


Lumipas ang maraming araw ngunit tahimik sapagkat walang pinagagalitan o sinisigawan ang mag-asawa. Bakas ang lungkot sa mukha ng mag-asawa at pagkasabik sa mga anak. Habang nagdidilig ng mga tanim na gulay may napansin ang ina na kakaibang gulay na tumubo sa kanilang taniman. Animo’y mga batang paslit ng biglang lumilitaw. 


“Tay, tingnan mo may mga kakaibang gulay dito sa ating taniman.” Nagmamadaling wika ng ina.


“Oo nga biglang dumami at nagsulputan ang mga iyan, naalala ko sina Fe at Chai na bigla na lamang sumusulpot.” Wika ng ama.


“Ano kaya ang tawag sa gulay na ito?” Tanong ng ina.


“Tawagin natin itong PETSAY bilang alaala sa ating mga anak na sina Fe at Chai.” ang naiiyak na tinig ng ama.


Alamat ng Bundok Arayat

Ang Bundok sa Arayat na nakapatungo sa mga lalawigan ng Kapampangan at Nueva Ecija ay may iniingatang mga kahiwagaan na nagkasali-salin na sa mga maraming paniniwala. Sa maraming kapaniwalaang iyan ay lalong bansag ang mga talang nababanggit sa lathalang ito, dahil sa pagkakatanim sa diwa ng napakarami nang salin ng lahi sa Arayat at kanonog-bayan.


Sang-ayon sa matatanda sa Arayat, ang bundok n nasabi ay ari ng isang napakaganda at mapaghimalang babae, si Mariang Sinukuan. Di-umano kapag mabili ang mga paninda, ang araw ng lingo sa pamilihang bayan na Arayat, si Maria ay lumulusong sa bayan upang magtinda at mamili. Subali't ang engkantada ay hindi mo raw makikilala dahilan sa iba't ibang paraan ng pagbabalatkayo na kanyang ginagawa. Naroon daw ang mag-ayos siya na tulad sa isang matandang magbubukid, bukod sa pagiging maitim, ay pango pa ang ilong at sungal sunagl ang mga labi pinatutunayan din ng marami taga-Arayat na maraming kagila-gilalas na pangyayari ang mararanasan ng sinumang dadalaw sa bundok na iyon. Ang kabundukan ay totoong masagana sa mga bungang-kahoy at ang sinumang aabutin ng kagutuman doon ay malayang makakpipitas at makakain ng bungang maibigan niya, subalit ang sinumang magtangkang mag-uwi ng mga bungang-kahoy mula roon ay hindi matututuhan ang landas pauw. At ang lalong kahima-himala ay ang pagbuhos ng ulan kasabay ang paglakas ng ihip ng hangin. Ngunit sa sandaling ilapag ng taong iyon at iwan ang mga bungang dala niya, ang landas sa pauwi ay madaling matututuhan. Ang malaking tipak ng batong-buhay sa ituktok ng bundok ay batyang pinaglalabhan ng engkantada.


Dahil sa paniwalang napakaganda ni Mariang Sinukuan at dahil rin sa magaagndang tugtugin maririnig sa kabundukan, wala sinumang namamlagi roon sa pangambang baka magayuma sila at hindi na muling makabalik sa kanilang tahanan.

Ang Alamat ng Bulkang Kanlaon

Noong mga unang panahon may isang malupit na namiminsala sa mga tao. Wala itong pinatatawad. Ang ulupong na ito ay may pitong ulo at ang labing-apat na butas ng ilong ay nagbubuga ng usok. Wari bang wala nang makakagapi sa ulupong na ito na nakatira sa bundok. Marami na siyang napapatay dahil sa pagbubuga niya ng apoy kapag siya ay nagagalit.


Kumunsulta si Haring Ma-ao sa mga pantas at isang manggagamot ang nagmungkahi na kailangang mag-alay sa ulupong ng isang magandang dalaga upang ito ay mapatigil sa pamiminsala.


Ipinaabot naman ng pari sa mamamayan ang utos na iyon. Sa takot nilang sila ang ialay, nagpinta ng mukha ang mga dalaga. Lahat sila ay pawang pumangit na.


Makalipas ang ilang buwan, bigong bumalikang pari at "Wala na pong magandang dalaga. Nasunog na ang kanilang balat at mukha nang abutin sila ng apoy na ibinubuga ng ulupong. Tanging si Prinsesa Talisay na lamang ang natitirang magandang dalaga rito," pagbabalita ng pari kay Haring Ma-ao.


Nalungkot ang Hari sapagkat maging si Datu Sagay ay nagpatunay sa mga ibinalita ng pari. Samantala, isang banyaga ang nagkataong nakabalita sa pananalanta ng ulupong. Ipinahayag niya sa Hari ang kanyang nasang pagtulong na puksain ang ulupong. Napangiti si Prinsesa Talisay at nawika niya sa sariling, "Salamat, ipagdarasal ko ang kanyang tagumpay at kaligtasan. Napakakisig niya."


"Matapang ka magiting na binata. "Kung mapapatay mo ang ulupong ay magiging iyo ang kalahati ng aking kayamanan at ang aking kaisa-isang anak na si Prinsesa Talisay ay ma papasaiyo," may pag hangang wika ng Hari.


Naglakbay si Laon, ang binatang banyaga. Sa kanyang paglalakbay patungong bundok ay nasalubong niya ang Langgam. "Hoy, langgam, ako si Laon. Sabihin mo kay Haring Langgam na may utos ang panginoon ninyong si Laon. Lahat ng sundalong langgam ay papuntahin sa bundok at papatayin natin ang namiminsalang ulupong. Ito ay para rin sa inyong kapayapaan."


Gannon din ang sinabi ni Laon kay Haring Buboyog. Haring Lawin naman ay nag wikang. "Handa kaming tumulong, Haring Khan Laon. Sabihin lamang ninyo ang aming gagawin."


Nagsisugod silang lahat sa bundok. Doon nagahap ang isang umaatikabong bakbakan. Halos matabunan na ang ulupong sa dami ng langgam. Kinakagat nila ang mga pagitan ng kaliskis, singit at leeg ng halimaw. Tinutusok naman ng mga bubuyog ang mga mata ng ulupong. Hindi nilapansin ang ibinubugang apoy ng kalaban. Patuloy sila sa kanilang pakikipaglaban.


Samantala, sa kaharian ay hindi mapalagay ang mga tao. Umiiyak si Prinsesa Talisay. Humingi siya ng tulong sa kanyang amaing si Datu Sagay. Nagpasiya si Datu Sagay na sundan si Khan Laon upang pigilan na ito sa iba pa niyang binabalak na gawin. Ipinagsisigawan naman ng taong bayan na si Prinsesa Talisay ang ialay sa ulupong kapag nabigo si Khan Laon sa labanan.


Si Datu Sagay at ang kanyang mga kawal ay nakarating sa bundok. Inabutan nilang dinudukot ng mga lawin ang mga mata ng halimaw. Lumapit si Laon at tinagpas ang mga ulo ng ulupong. Nasaksihang lahat ni Sagay ang mga ito. Nakabalik sa kaharian sina Khan Laon, mga langgam, mga bubuyog. Tuwang-tuwang ibinalita ni Datu Sagay ang kagitingan ni Khan Laon.


"Haring Ma-ao ang lahat po ng ito ay hindi ko magagawa kung wala ang mga kaibigan kung langgam, buboyog at lawin. Sila ay ating pangalagaan sapagkat sila, tulad natin ay nilikha rin ng Diyos. Maraming salamat sa inyong lahat mga kaibigan ko ang sabi ni Laon.


Noon din ay ibinigay ni Haring Ma-ao ang kalahating bahagi ng kanyang kayamanan at si Prinsesa Talisay ay naging asawa ni Khan Laon. Naging maligaya ang dalawa. At magmula nga noon, ang bundok na pinangyarihan ng kamatayan ng ulupong ay tinawag na Bundok Kanlaon upang bigyang karangalan ang kabayanihan ni Haring Khan Laon.

Ang Alamat ng Mindanao

Mayroon isang Sultan sa isang pulo na kilala hindi lamang dahil siya ay isang dugong bughaw, kundi dahil rin sa kanyang katangian. Di lamang siya mayaman, si Sultan Gutang ay matapang, magandang lalaki at may matipunong pangangatawan. Si Sultan ay may natatanging anak, bukod sa isang prinsesa , nakakaakit ang kanyang kagandahan. Saan ka man maparoon, usap-usapan ang kagandahang niyang taglay. Prinsesa Minda ang ngalan niya. Dahil sa tanyag na kagandahan ni Minda, maraming tagahanga ito saan dako ng karatig pook. Marami ang nanliligaw: mga mayayaman, matalino, at may dugo ring maharlika. Dahil nga sa dami ng masugid na tagahanga nito, walang tulak siyangkabigin. Kaya minarapat ni Sultan Gutang na magkaroon ng isang pagsubok upang malaman kung sino ang higit na mapalad at karapat-dapat sa kanyang anak na si Prinsesa Minda.


Nangyari nga ang ibig ng Sultan. Marami ang sumubok sa layuning makuha ang kamay ni Minda. Halos lahat ng sumubok at nagwagi sa una at ikalawang pagsubok, ngunit nabigo sa ikatlo. Ngunit may isang prinsipe ang nagaasm-asam na sumubok sa mga patakaran ng nasabing sultan. Ngunit, bago siya sumali sa palahok, matinding pag-iisip ang kanyang ginugol. Dahil sa una ay sigurado siyang magtatagumpay, ang ikalawa ay sigurado siyang mabibigo. Kaya't muling nag-iisip . Napagpasyahan niyang humiram ng mga kaing-kaing na ang mga ginto mula sa kanyang mga kaibigang mayayaman at prinsipe upang makabuo ng labintatlong tiklis ng ginto. Dahil ang ikalawang pagsubok ay kung paano mahihigitan ang kayamanan ng Sultan.


Lalong nabuhayan ng loob ang prinsipe sa mga pagkakataon na kapag nagkakatinginan sila ng prinsesa ay para na ri siyang humahanga sa kanya. DAhil di kaila ang kagandahang lalaki ng prinsipe at kakisigan. Nabatid ng prinsipe na may pagtingin din ang prinsesa.


Sinimulan n a ang unang pagsubok kay Prinsipe Lanao sa pagsasalaysay niya sa kanyang mga ninuno mula sa umpisa hanggang sa sampung henerasyon. Higit ang tuwa niya ng makapasa sa unang pagsubok sa dahilang hindi totoo ang ika-sampung henerasyon dahil ito ay may halong imbento lamang.


Agad sumunod ang ikalawang pagsubok. Tinanong ng Sultan kung gaano karami ang kanyang dalang ginto. Agad siyang sumagot na labintatlong kaing. Walang duda ang tagumpay ni Prinsipe Lanao sa ikalawang pagsubok dahil may pito lamang tiklis nag into mayroon ang Sultan.


Ang hulong pagsubok ay agad din pinabatid sa Prinsipe kung ano ang dapat na sumunod niayang gagawin pang ganap nang mapasakamay ang mayuming si Prinsesa Minda. Pagtulay sa lubid ang ikatlong pagsubok. Pagtulay sa lubid na kapag ikaw ay nahulog sa isang malalim na bangin ay sigurado ang iyong kamatayan .


Pinagpabukas pa ang huling pagsubok upang makapagpahinga ang binata. Subali't lingid sa kaalaman ng binata na kaya pala ipinagpabukas pa ay upang mapaghandaan din ng Sultan ang gagawing patibong upang ang Prinsipe ay hindi magtagumpay. Kaagad na lumisan si Prinsipe Lanao upang makapagpahinga at mapag-aralan ang kanyang plano para sa darating na pagsubok kinabukasan.


Subali't si Prinsesa Minda ay may nabalitaan na may patibong na ilalagay ang mga tauhan ng Sultan upang mahulog ang Prinsipe.Agad na pinasiyast ni Prinsesa Minda kung ano ang ilalagay na patibong. Napag-alaman ng katulong na kakabitan ng tali an gang lubid na tatawiran ng Pinsipe na siyang magiging dahilan ng pag-uga ng lubid na magiging dahilan ng pagkahulog ng Prinsipe.


Dahil sa nabatid na patibong, kaagad na tinanggal ng mga katulong ang patibong upang walang maging balakid sa pagtawid ng butihing Prinsipe. Pagdating kinaumagahan ay naganap ang pagsubok na siya namng pinagtagumpayan ng Prinsipe. Walang nagawa ang Sultan kundi tuparin ang pangakong kasalan. Nang mamana ng Prinsipe, ang pamamahala ng lugar, marami ang nasiyahan sa pamamalakad ng mag-asawa sa pulo at mula noon pinangalanan ang isla ng Mindanao na hango sa pangalang Minda at Lanao.

Ang Alamat ng Talon ng Maria Cristina

Si Datu Talim ay tanyag sa buong Magindanao hanggang sa Sulu dahil sa kagandahan ng kanyang anak na si Maria Cristina. Ngunit hindi si Datu Talim ang tunay na ama ni Maria Cristina.

Si Maria Cristina ay anak ng isang mangingisda sa Romblon. Tuwing tag-ulan ay tumutulong si Cristina sa pagtatanim sa kanilang maliit na lupain. Mahirap lamang sila ngunit ang kanilang kaligayahang mag-anak ay ganap.


Isang araw ang kanilang bayan ay sinalakay ng mga tauhan ni Datu Talim. Tumakas ang mga tao papuntang bundok. Bata pa noon si Maria Cristina at hindi pansin ang kaguluhang nangyayari. Patuloy siya sa paglalaro nang damputin siya ng mga tauhan ni Datum Talim. Nanlaban ang ama ni Maria Cristina ngunit siya-ay napatay din.


Ang batang si Cristina ay inialay kay Datu Talim na labis namang kinagiliwan nito dahil sa kagandahang taglay. Minahal ng labis ng datu si Cristina at tinoring parang isang tunay na anak. Lumaking napakaganda ni Cristina kaya lalong nakilala si Datu Talim. Marami ang nagkagusto sa dalaga.


Isang binata na nagngangalang Prinsipe San-i ang sa mga masugid na manliligaw ni Maria Cristina. ito ay makisig may matipunong pangangatawan at tunay na dugong maharlika. Sa madaling sabi ang binatang ito ang nakabihag ng puso ni Maria Cristina. Namanhikan ang ama ni Prinsipe San-i na isang Sultan ng Sulu at itinakda ang isang malaking kasalan.


Habang abala sa pagtatakda ng kasal ang magkabilang partido ang dalawang magkasintahan ay nagkikita sa batis na may malalaking bato. Nagbabalak sila ng magagandang bagay para sa kanilang kinabukasan.


Ngunit lingid sa kanila ay may isang dalagang mangkukulam na naninibugho kay Maria Cristina. Isiniumpa niyang hindi-hindi matutuloy ang kasal ng dalawa.


Dalawang gabi bago pa ang itinakdang kasal naalaala ni Maria ang kanyan ina na matagal na niyang hindi nakikita. Nagtungo siya sa batuhan sa may batis sa tagpuan nila ni San-i. Doon nag-iiyak si Maria sa labis na pag-aalala sa kanyang ina. May pangako sa kanya si San-i na tutungo sila sa Romblon para dalawin ang kanyang ina sa oras na matapos lamang ang kasal. Ipinikit niya ang kanyang mata at pinaglaro sa kanyang diwa ang mga ala-alang kapiling pa niya ang kanyang ama at ina noong siya ay isang musmos pa lamang.


Nasa ganitong kalagayan si Maria nang dumating ang pangit na dalagang mangkukulam buhat sa kanyang likuran. Akala ni Maria ay ito na ang kanyang kasintahan ngunit laking gulat niya nang isang pangit na babae ang kanyang namulatan.


"Alam mo, si San-i ay akin. Hindi matutuloy ang inyong kasal. Sige ipagpatuloy mo ang pagluha mo," sabi ng mangkukulam.

Lalo lamang lumuha si Cristina dahil sa kabila pala kanyang kaligayahan sapiling ni San-i ay may isang pusong nagngingitngit. "Sa araw ng inyong kasal, si San-i ay hindi mo na makikita. Siya ay inagaw mo lamang sa akin. Sige...ipagpatuloy mo ang pagluha, bago sumapit ang kasal mo, ikaw ay magiging isang bundok. Ang luha mo ay dadaloy sa bayan patungo sa dagat," galit na pagbabanta ng mangkukulam.


Sumapit ang araw ng kasal at labis na pagtataka ng lahat ay hindi sumipot si Maria Cristina. At lalo pasilang namangha nang isang bundok na lumuluha ang kanilang nakita. Umilig ito sa bayan at nagkaroon ng ilog. "Nasaan si Cristina, paano na ang kanilang kasal?" tanong ng mga tao.


"Ha ha ha! Ang natatanaw ninyong lumuluhang bundok ay walang iba't si Maria Cristina. Ang daloy na kanyang luha ay magpapatuloy sa bayan at magiging ilog na daluyan sa Iligan," ang sabi ng mangkukulam.


Mula noon ay hindi na nakita pa ang pangit na mangkukulam. Ang bundok na lumuluha ay tinawag na Maria Cristina sa bayan ng Iligan.


Ang Alamat ng Panay (Ang Alamat ng Iloilo)

Noong unang panahon, isang binata ang nanirahan sa isang malaking pulo. Nabubuhay siya sa mga sariwang gulay at prutas. Taga ilog ang tawag sa kanya. Minsan, isang matandang lalaki ang gustong makituloy sa bahay niya. Napangiti ang binata dahil magkakaroon na siya ng makakasama. May pagkakataong rin siyang makapaglingkod sa kapwa. Pinagsilbihan niyang mabuti ang matanda na labis na humanga sa kanya. 


"Salamat, napakabait mo," anang matanda. "Siyanga pala, napansin kong maraming ibon at isda sa lugar na ito. Manghuli tayo para masarap ang ulam natin mamaya. "


"Naku,  huwag po. Sila po ang mga kaibigan ko rito," magalang na tanggol ng binata. 


"Totoo palang napakabait mo," usal ng matanda. 


Nalaman din ng matanda na bigay ng mga tagabukid ang nga damit ng binata dahil tinutulungan niya sa pagtatanim at pag-aani ang mga ito. Lalong tumibay ang paghanga ng matanda sa kanya. Marami namang natutunan ang binata sa mga pangaral ng matanda, tulad ng:


"Kung ano ang iyong itinanim ay siya mong aanihin, "

"Tulad sa halaman, ganyan din ang sa tao."

"Ang iyong kabaitan at kabutihan ay gagantimpalaan din sa ibang araw."

"Huwag tayong aasa na ang ating inilibing ay makikipaglibing din sa atin."

"Huwag tayong dudura sa langit sapagkat laway din sa iyo ay sasapit."


Mula noon ay naging malikhain ang binata. Dahil mabait at magiliwin sa mga nilalang ng Diyos, ang binata ay tinawag na Irog. Napakinabangan ni Irog ang lahat ng tinuro ng natanda. Nagawa niyang panali ang mga baging.  Nakagawa din siya ng isang bahay-kubo sa gitna ng ilog.  Nagawa rin niyang higaan ang bunton ng mga water lily. Isang gabi ay mahimbing ang tulog ni Irog. Hindi niya namalayang unti-unting umuusad ang kubo na parang itinulak ng mga isda. Nakapaligid naman sa kanya ang nga ibon na nag-aawitan. Mataas na ang araw nang magising siya kinabukasan. May mga gulay at mga prutas nang nakahain na dulot ng mga ibon. Malayo na ang kanyang narating.  Napadpad siya sa isang napakagandang batis. Ang batis ay kaakit-akit na tila isang paraiso. 


Isang umaga, may nakitang isang grupo ng mga dilag si Irog. May pakpak ang mga ito. Kasalukuyang naliligo sa batis ang mga dilag. Naakit siyang damputin ang isang pares ng mga pakpak na nakalapag sa batuhan. Matapos maligo ang mga dilag ay malungkot na naiwan ang isa. Wala kasi itong maisuot na pakpak. Hindi ito makalilipad. Iyak nang iyak ang dilag dahil iniwan na ito ng mga kasamahan. Nagulat ito nang makita si Irog. 


"Patawad po sa aking karahasan. Natuwa po ako sa mga pakpak ninyo kaya hiniram ko ng walang paalam, " hinging paumanhin ng binata. "Ako nga pala si Irog. Ulila na ako at walang kasama sa buhay. Kung mamarapatin mong mahalin kita ay pagsisilbihan kita habang buhay."


Hindi na nag-isip ng matagal ang dilag. Pumayag agad ito sa kanyang pagsamo. Tinawag itong Giliw ni Irog. 


"Sige, mamahalin kita sa isang kondisyon. Huwag kang mag-uuwi ng mga hayop na mabilis lumipad. Kapag ginawa mo iyon ay mawawala ako sa iyong buhay."


Tuwang-tuwa naman si Irog dahil mapagmahal din ang dilag sa mga hayop. Nagkasundo sila ni Giliw at tuluyan nang nagsama. Biniyayaan sila ng dalawang anak makaraan ang ilang taon.  Pinangalanan nila ang mga ito ng Tagumpay at Ligaya. Si Ligaya ay lumaking mabait at masunurin sa mga magulang. Si Tagumpay naman ay masipag at mabait din. Minsan ay masaya silang nag-uusap nang magtanong si Ligaya. 


"Bakit kaya bihirang magsalita si Inay? Hindi naman siya pipi. Matalino naman siya at maraming alam."


Sumagot si Irog. "Huwag kang magtaka, anak. Lagi ninyong tatandaan na kapag ang dagat ay mababaw, ito ay maingay. Subalit kapag ang dagat ay malalim, ito ay tahimik. Makinig kayo sa payo ng mga nakatatanda at lagi ninyo iyong tandaan: Ang maganda ay pulutin ninyo.  Itapon naman ninyo ang masamang gawain lalo na kung makasasakit ng damdamin ng inyong kapwa."


Minsan ay nagpahinga si Tagumpay sa lilim ng isang puno. Nagulat siya ng may ibong dumapo sa balikat niya. Palibhasa ay magiliwin sa mga hayop kaya hinuli ni Tagumpay ang ibon at iniuwi sa kanilang bahay. Tuwang-tuwa naman si Ligaya dahil sa iba-ibang kulay ng ibon. Agad nila itong ipinakita sa ina.


"Nakaganda niya, hindi ba, inay?" ang natutuwang sabi ni Tagumpay. 


Napaluha si Giliw. "Oo,  iyan si Panay,  ang aming panginoon."


At mabilis na nagtungo sa silid ang babae. Dagli nitong isinuot ang mga pakpak at dagli ring lumipad palayo. Malungkot na ibinalita ng magkapatid ang paglisan ng kanilang ina. Mula noon ay naging malungkutin na si Irog. Palagi siyang nagpupunta sa batis, nagbabakasakali siyang bumalik si Giliw. Ang batis na ito ang pinagmulan ng isang magandang kasaysayan ng pag-ibig. Dito nagmula ang pangalang Panay o Iloilo.


Ngayon,  ang Panay o Iloilo ay isang malaking pulo sa Kabisayaan. 


Alamat ng Sampalok


Noong unang panahon ay may isang matandang babae na naninirahan sa tabi ng ilog. Wala siyang ginagawa kundi ang maglinis ng kanyang bakuran at diligin ang kanyang mga pananim.


Isang araw, may nanghingi ng kanyang ilang pananim. Ang matanda ay nagalit at pinalayas ang bata.

Madamot ang matanda tuwing may pupunta sa kanyang tahanan upang humingi ng tulong, agad niyang pinalalayas ang mga ito.


Minsan ay isang diwata ang nagpanggap na isang babaeng madungis. Humingi siya ng makakain. Nagalit ang matanda at pinalayas ang babaeng madungis. Nagalit ang diwata sa ginawa ng madamot na matanda.


Dahil sa iyong pagiging labis na madamot, kahit na marami ka namang pananim na maaring ibahagi sa iyong kapwa, ikaw ay aking paparusahan. Sa ilang saglit ang matandang babae ay naglaho at ang lugar na dating kinatitirikan ng kanyang bahay ay naging lawa.


Sa katagalan ng panahon ang lawa ay natuyo at may tumubong isang puno. Ang lahat ng taong napapadaan sa nasabing puno’y napapahinto dahil sa dami ng bungang nakasabit sa mga sanga. Ngunit natatakot silang pumitas dahil hindi nila alam kung maaring kainin ito.


Isang binata ang napadaan at tinangkang kumain ng bunga ng puno. Itinapon nito agad ang nasabing bunga pagkatikim dahil sa sobrang asim. Nasabi ng binata na ang bunga ay katulad ng matandang madamot na dating nakatira sa lugar na iyon. Punung-puno ng bunga ang puno, ngunit sobrang asim naman ng laman.


Alamat ng Waling-Waling

Noong unang panahon sa isang kahariang matatagpuan sa may dagat ng Mindanao, may isang makisig at matapang na sultang nagngangalang Rajah Solaiman. Dahil sa kaniyang galing at tapang sa digmaan siya’y nakilala bilang isang kilabot sa iba’t ibang kaharian. Pinaniniwalaang nasa kaniyang pag-aari ang isang mahiwagang sundang, ang Sundang Lenantatyon. Ibinigay ito kay Solaiman ni Bal-Lido, ang diyosa ng digmaan.


Ipinagkaloob ito sa kaniya dahil sa mahusay niyang taktika sa pakikipagdigma. Malaki ang pasasalamat sa kaniya ng mga taga-Mindanao dahil sa patuloy na pagtatanggol ng Rajah. Isa sa mga digmaang kinasangkutan ng Rajah ang digmaan sa Seta Tem-mon. Nagwagi siya sa labanang ito, subalit iyon lamang ay naging posible sa tulong ni Bal-Lido. Sa labanang ito siya niregaluhn ng sundang. Subalit bago pa man ito napasakaniya, dumaan muna siya sa isang pagsubok.


“Kunin mo ang itak,” sabi ni Bal-Lido. Sa pagtingala ni Solaiman nakita niya ang isang lumulutang na itak. “Gamitin mo iyan at putulin mo ang iyong kaliwang braso,” Di nagdalawang-isip si Solaiman, sa utos ng diyosa ay kinuha niya ang espada at iniakmang puputulin ang kaniyang sariling braso. Sa pagtama ng itak sa kaniyang braso nagulatna lamang siya nang mapansing walang dugong dumanak ni balat na napilas mula sa kaniyang katawan.


“Mula sa puntong ito Solaiman, hindi ka na magagalaw ng kahit anong sandata pa man.” Sabi ni Bal-Lido. “Ikaw ay papanaw lamang sa aking utos, sa oras na iyon siguraduin mong isusuko mo ang ibinigay kong sundang sa lugar na ito. Kung hindi ka makararating, siguraduhin mong may isang taong mapagkakatiwalaang magbabalik ng sundang sa akin.”


Kung gaano kabagsik si Solaiman sa digmaan, ganoon rin siya kabagsik sa pag-ibig. Dahil sa ganitong katangian, kinamumuhian at kinatatakutan siya hindi lamang ng kaniyang mga kaaway kung hindi pati na rin ng kaniyang mga tagasunod. Sa mga kalye pa lamang, rinig na ang mga bulungan ng mga tao. Umaalingawngaw ang mga babala sa lahat ng sulok ng kaharian, “Itago ang asawa’t mga anak na babae dahil si Solaiman ay paparating.”


Nag-uumapaw na ang mga babae sa harem niya subalit, hindi pa rin siya tumitigil sa pangongolekta nito. Para sa isang maharlikang tulad niya, walang dalang bigat ang naguumapaw na babae sa kaniyang buhay. Kung may isang aalis, may tatlong darating, kung gaano siya kahusay sa paggamit ng kaniyang sundang, tila mas matalim ang kaniyang mga salita pagdating sa pag-ibig.


Sa dulo ng kaniyang kaharian, may naninirahang isang mangingisda. Kasama nito ang kaniyang anak na babae sa bahay na siyang nag-aalaga sa kaniya. Isang tapat na tagapaglingkod ang mangingisdang ito kay Rajah Solaiman. Subalit, dahil sa pag-aalala sa posibleng kahinatnan ng kaniyang anak na si Waling-Waling, itinago niya ito sa gitna ng gubat. Umaasang walang mga matang makatatanaw sa kaniyang anak, lalo pa ang mga mata ni Rajah Solaiman. Alam niyang hinding hindi siya makatatanggi sa kung ano mang sabihin ng kaniyang Rajah.


Tumira si Waling-Waling sa itaas ng isang punong lauan. Napaliligiran ito ng mga ilang-ilang at ilang halamang gubat. Walang nakaaalam ng paraan upang makaakyat dito kung hindi ang mapag-arugang mangingisda lamang. Pati ang mga pagbisita niya ay planadong-planado. Sa umaga, siya’y nagdadala ng pagkain at sa gabi nama’y sinisiguradong ligtas at maayos ang kaniyang anak. Isang di pangkaraniwang kagandahan nga talaga itong si Waling-Waling. Singkinis ng sutla ang kaniyang balat, singdilim ng uling ang buhok, ang kaniyang mga pisngi ay parang dinampian ng rosas, mga matang sing tingkad ng mga alitaptap sa gitna ng dilim, at ang kaniyang mga pilik mata’y tila mga alon sa pagkakurbada. Madali sana para sa dalaga ang ipakasal sa kahit na sino kung isa lamang siyang dugong-maharlika. Subalit, nagiging mahirap ang lahat dahil isa lamang siyang pangkaraniwang mamamayan.


Isang araw habang nangangaso si Solaiman sa gubat, napansin niyang may isang tirahan sa itaas ng mga puno. Sa gitna ng mga puno, nasulyapan niya ang bahay ni Waling-Waling. Sa kaniyang paglingon nakita nito ang isang kakaibang kagandahang noon pa lamang niya nakita.


Napasigaw si Rajah Solaiman, “Sino ang ama mo? Sigurado akong itinatago ka lamang niya sa akin!” Hindi sumagot sa Waling-Waling sa takot na baka kung anong gawin ng Rajah sa kaniyang ama.


Sa kaniyang pagtulog, nanaginip ang mangingisda ng mga karimarimarim na ideya. Nang magising ito mula sa masasamang panaginip, kumaripas siya ng takbo upang tunguhin ang tirahan ni Waling-Waling sa gubat. Laking gulat niya nang maabutan niya ang isang nagngingitngit na Rajah.


“Paano mo nagawang itago sa akin ang isang nilalang na singganda ng iyong anak? Sabihin mo sa kaniyang bumaba upang makita ko siya ng mas maayos.” Utos ng Rajah sa mangingisda. “Gawin mo ito kung ayaw mong mahati ng aking sundang.”


Sa utos ng kaniyang ama, bumaba naman si Waling-Waling. Nang umabot siya sa kalahati ng puno, nadampian siya ng ilaw mula sa buwan na lalong nagbigay liwanag sa kaniyang ganda. “Hindi kita papatayin,” sabi ni Solaiman sa mangingisda, “subalit, nais ko sanang pakasalan ang iyong anak. Ipinapangako kong pakakawalan lahat ng babae sa aking harem at siya ang gagawin kong asa…”


Bago pa man tuluyang matapos ni Solaiman ang kaniyang sasabihin at bago pa man makababa si Waling-Waling, nanigas ang katawan ng Rajah at ng mangingisda. Isang liwanag ang bumalot sa buong gubat. Nakita nila ang isang imahen na papaliit nang papaliit. Ang dating katawan ni Waling-Waling ay tila sumabit sa mga sanga ng puno. Habang paunti-unting nawala ang liwanag tila naging mas malinaw sa dalawa ang imahen ng isang bulaklak. Isang bulaklak na may lila’t pulang batik sa kaniyang mga talulot.


Hindi sila makapaniwala sa kanilang nasaksihan subalit, walang nagawa si Solaiman at ang mangingisda. Pagbalik sa palasyo, inatasan niya ang mga kawal niya na kumuha ng bulaklak ng Waling-Waling sa gubat at ipalamuti ito sa mga puno sa harapan ng palasyo. Isang pag-alaala sa pag-ibig na tila abot kamay na niya ngunit naglaho ng parang bula.


Alamat ng Sili

Sa isang malayong lugar sa Bicol, may isang napakalaking kaharian na pinamumunuan ng isang hari at reyna at ng kanilang anak na si Prinsipe Siling. Masaya silang namumuhay sa kaharian, ginagalang at may mataas na pagtingin ang mga tao sa nasasakupan ng hari at reyna dahil na rin sa kanilang angkin na kabaitan sa mga mahihirap. Tumutulong sila sa bawat taong kumakatok sa kanilang kaharian kaya ganoon na lamang ang pagmamahal sa kanila ng mga tao roon.


Samantalang, isang araw naisipan ng mag-asawang Haring Iling at Reyna Cecilia na magbakasyon sa Europa upang ipagdiwang ang kanilang tatlumpong anibersaryo ng kanilang pagmamahalan. “Mahal kong Reyna, kailangan po ba talagang sa Europa pa kayo magbakasyon ni Amang hari?” pagpipigil ni Prinsipe Siling. “ Anak, hindi naman kami magtatagal ng iyong amang hari roon, nais lang ng iyong ama na pumunta sa ibang lugar para maiba naman” sagot ni reyna Cecilia . “ Oo nga naman prinsipe, huwag mo kaming alalahanin, palagi kami roon mag-iingat ng reyna nang sa ganun matutunan mo na rin pamunuan ang ating kaharian upang pag nawala na kami ng iyong ina, handang-handa ka na maging isang hari. “ Huwag ninyong sabihin iyan dahil walang papalit sainyo sa pagiging magaling na hari sa lahat” pagpupuri ng Prinsipe.


Pagkatapos magpaalam ng mag-asawa sa buong kaharian, lumakad na ito sakay ng kanilang barko patungong Europa. Mahigit kalahating buwan ang pagpapalaot ng barko patungong Europa. Pagkaraan ng tatlong araw, isang malakas na bagyo ang dumating. Alalang-alala ang Prinsipe sa kanyang amang hari at inang reyna. Alam niyang labis na lalakas ang alon dulot ng bagyo at hindi malayong maapektuhan ang barkong sinasakyan nila. Matapos ang bagyo, agad na lumabas ang Prinsipe upang mag ikot-ikot sa buong komunidad upang kumustahin ang mga nasasakupan. Nais nya rin makibalita sa barkong sinasakyan ng kanyang mga magulang. Habang naghihintay siya sa pantalan,kitang-kita sa kanya ang labis na takot at pag-aalala. Paparating na ang isa sa mga kawal na siya lamang ang nailigtas ng kanyang mga inutusang mga kawal sa paghahanap sa barkong sakay ng amang hari at reyna. Nagbigay muna ito ng galang sa pamamagitan ng pagyuko bago nagpahayag, “ mahal na prinsipe, ipagpaumanhin po ninyo ngunit wala na po ang inyong mga magulang. Nagkahiwalay po kami ng palakas na ng palakas ang bagyo at sa sobrang lakas po ng hagupit ng bagyo lumubog ang sinasakyan namin na barko. Nagising na lamang po ako na napadpad po ako sa isang isla kung saan natagpuan ako ng mga inatasan ninyo sa paghahanap”.


Namugto ang mga mata ng prinsipe at kumaripas ito pabalik ng kaharian. Nagulat na lamang ang karamihan sa biglaang pagtakbo nito. Halos ilang araw siyang nagkulong sa kanyang silid dahil na lamang sa labis na hinagpis na sinapit ng kanyang mga magulang. Alalang-alala na ang mga tao kay Prinsipe Siling dahil hindi ito kumakain. Nabalot ng kalungkutan ang kaharian, kaya’t ng matapos ang seremonya na ginanap sa karagatan na pinaglubugan ng labi ng mag-asawa hindi pa rin iniwan ng mga tao ang prinsipe kaya inintindi na lamang nila ito. Isang araw gulat na gulat ang mga tao sa kaharian sa muling pagbalik ng sigla nito na tila’y handang harapin ang lahat. Ngunit ng makaraan ang ilang buwan unti-unting nagbago si Prinsipe Siling. Nagiging masungit, mainitin ang ulo at hindi na rin ito nakikihalubilo sa mga tao. Nagiging malupit siya sa mga tagasilbi at mga kawal ng kaharian, malayo sa dating prinsipe na kanilang kilala noon.


“Patawad po kamahalan, hindi ko po sinasadya,papalitan ko na lamang po ang aking mga napinsalang mga kagamitan”. “ Umalis ka riyan sa harapan ko! Baguhan ka ba dito? Pagdala lang ng mga kagamitan hindi mo pa magawa! galit na sabi ni Prinsipe Siling. “Paumanhin po hindi na po mauulit”, mangiyak-ngiyak na sabi ng tagasilbi. Talagang hindi na mauulit dahil makakaalis ka na ng kaharian ko! Umalis na ang kasambahay pagkatapos siyang palayasin ng prinsipe. Nagpatuloy si Prinsipe Siling sa pagmamalupit sa mga tao sa kaharian. Kaya naman paunti-unti ng nagsisialisan ang mga tagsilbi dahil sa takot sa prinsipe. Hindi maikubli na nagbago na nga ang prinsipe simula ng mamatay ang kanyang mga magulang. Isang diwata ang pinapanood ang prinsipe sa kanyang pagmamalupit sa mga tao na minsan ay naranasan niya rin sa isang prinsipe. “ Hindi siya karapat-dapat sa kaharian na ipinagkaloob ko sa kanyang mga magulang. Kailangan siyang parusahan dahil labis-labis na ang paghihirap ng mga tao dahil sa kanya” bulong ng diwata sa kanyang sarili.


Isang araw, nagpasya ang prinsipe na mamasyal ng mag-isa,ilang araw na ang nakakalipas ngunit hindi pa rin siya bumabalik ng kaharian. Nagtaka ang mga tao at bigla na lamang namangha at nagulat dahil sa kanilang nakita sa hardin na paboritong pasyalan ni Prinsipe Siling. Isang halaman na namumunga ng kulay luntian at pula na hugis pahaba at paublong na may makinis na balat. Naalala ng mga tao roon si Prinsipe Siling na may pagkakahalintulad sa balat ng namumula nitong pisngi. Sinumpa ng diwata si Prinsipe Siling na maging isang halaman na may katangian ng pagigigng maanghang dahil sa ugali nitong kalupitan.


Mula noon, hindi na nakita ang prinsipe sa kaharian at tanging halaman na lamang ang natagpuan ng mga tao na maihahalintulad kay Prinsipe Siling kaya naman inalagaan nila ito at pinangalanan na Sili.

Alamat ng Sayote

Noong Araw, ang tinola ay wala pang sayote dahil wala pa talagang sayote sa mundo. May isang bata na ayaw na ayaw kumain ng gulay. Ulila na siya. Ang tanging nag-aalaga lamang sa kanya ay ang kanyang nakatatandang kapatid na babae. Mahilig siyang magluto ng tinolang manok kahit alam niyang di kumakain ng gulay ang kanyang kapatid. Kakainin lamang niya ang manok, subalit ang gulay ay pinapaubos lagi niya sa kanyang ate. Sinasabi niya "ang gulay ‘te ay para sa 'yo".


Sa tuwing maaaring tinola ang nasa hapag-kainan, ito ang kanyang sinasabi ukol sa mga gulay, "te sa'yo".


Isang araw, dumalo silang magkapatid sa piyesta at siyempre maraming handa. Napakasiba ng bata, naka-ilang plato ng kanin at ulam ang kanyang naubos. Tulad ng dati, ang lahat ng gulay ay "te sayo".


Habang kinakain ng kanyang ate ang kanyang mga itinirang gulay, bigla na lamang itong na-empacho, subalit pagtakbo niya sa palikuran, ina-take ito sa puso at namatay. Dahil hindi naman sila mayamang magkapatid ay inilibing na lamang niya ang kanyang ate sa likod ng kanilang bahay kung saan ay nakatanim ang iba't ibang halaman. 


Isang araw ay may tumubong kakaibang tanim sa puntod ng kanyang nakatatandang kapatid. Hindi niya ito pinansin at hinayaan lamang tumubo. Namunga ito makaraan ang ilang buwan at laking gulat niya ng maalala niya ang kanyang ate dahil sa hugis ng bunga nito. Sabi niya, "Sa'yo 'Te ang gulay na to". 


Mula noon ay natutunan niyang mahalin ang gulay na iyon at naging paborito niyang kainin. Tinawag niya itong sayote bilang pag-alala sa kanyang nakatatandang kapatid.

Alamat ng Singkamas

Noong unang panahon sa isang malayong bayan mayroon naninirahan na magkasintahan na nag ngangalang Singka at Amas. Labis nilang mahal ang isat isa sa kabila ng agwat nila sa estado ng kanilang pamumuhay.


Si Singka ay dalagang ubod ng ganda. Lahat ng kalalakihan ay tila umiibig sa kanya. Mga binatang nanggaling pa sa ibat ibang lugar. Mayayaman at may mga sinabi sa buhay. Ngunit sa kabila nito wala man lang siyang napusuan.


Si Amas naman ay isang binatang may simpleng pamumuhay. Salat man sa karangyaan mayroon naman siyang mabuting puso. Magalang at mapagmahal sa magulang. Ang kanyang pamilya ay nakikisaka sa lupain ng ama ni Singka. Nakilala ni Amas si Singka ng minsang isama ito ng kanyang ama sa paglilibot nito sa kanilang lupain. Sa unang pagkakataon nabihag nila ang puso ng isat isa Gumawa si Amas ng paraan upang makilala at mapalapit sa dalaga. Hindi naman nahirapan ang binata, dahil ang kanyang ina ay naninilbihan sa bahay ng dalaga. Pinadalhan niya ito ng liham. Hindi nmn nabigo ang binata. Sinagot naman ni Singka ang mga liham na kanyang natatanggap. Sa liham din siya sinuyo ng binata. Lumiham ang binata na nais nyang makipagtagpo sa dalaga. Sa dulo ng batis sa likod ng malalaking puno ng narra. Tumupad naman ang dalaga, dumating siya sa pinag usapan.


Simula noon lihim na silang nagtatagpo. Lihim nilang pinagtitibay ang kanilang pag ibig. Saksi ng mga puno, halaman, ibon at batis sa kanilang pag-iibigan at mga pangako sa isat isa. Mga pangarap nilang sila lang ang nakakaalam. Sandaling nalilimutan nila ang agwat nila sa buhay. Malayo sa mapanuring mata at mga nanghuhusga. Sa tagpuan na sila lang ang nakakaalam.


Alam ng dalaga na magagalit ang kanyang ama. Ang nais ng kanyang ama ay mapangasawa niya ang binatang nanggaling sa angkan ng may kaya sapagkat nag-iisa siyang anak. 


Dumating ang araw na kanilang kinakatakutan. Walang lihim na maitatago habang buhay. Natuklasan ng ama ng dalaga ang lihim nilang relasyon. Galit na galit ang ama ni Singka. Hindi na pinayagan pang makapasok ang ina ni Amas sa kanilang bakuran. Hindi na rin nakakalabas ang dalaga ng walang kasama.









Nagdesisyon ang ama ni Singka na ipakasal siya sa anak na binata ng mayamang angkan sa kabilang nayon. May pakpak ang balita dahil nakarating agad ang balita kay Amas. Nalaman niya na ikakasal na ang kanyang kasintahan. Pinilit ni Amas na tumutol sa kasal at ipaglaban ang pagmamahalan nila ni Singka. 


Isang gabi bago ang kasal si Singka sa binatang taga ibang nayon ay itinanan ni Amas ang dalaga. Walang pag-aatubiling sumama si Singka sa kanyang minamahal sapagkat hindi niya nakikita ang sarili sa piling ng ibang lalaki. Plano nilang pumunta sa nayon sa likod ng bundok ngunit kailangan nilang tumawid sa isang ilog. Ang ilog na iyon ay hindi natatawiran tuwing may ulan sapagkat malakas ang agos.


Sa isang maliit na kubo malapit sa bundok at di kalayuan sa ilog naisipan nilang magpalipas ng gabi. Walang tao sa kubong iyon, marahil ay lumipat na ang dating may-ari. Matapos makapagpatuyo ng damit ay masayang nag-usap ang magkasintahan. Pinag-usapan nila ang kanilang magiging buhay, ang plano nila sa kanilang magiging pamilya. Ang mata nilay nangingislap at puso nila ay napupuno ng ligaya habang iniisip nila ang bagong yugto ng kanilang buhay. Mahirap magsimula sa wala ngunit kung magkasama naman sila sa hirap at ginhawa ay kakayanin nila ang anumang pagsubok na darating. 


Sa kalaliman ng gabi, habang patuloy na lumalakas ang ulan, ay isang malakas na ingay ang narinig. Gumuho pala ang isang bahagi ng bundok at natabunan ng lupa ang kubong sinisilungan nina Singka at Amas. Nalibing ng buhay ang magkasintahan habang sila ay tulog at magkayakap. Hindi na naisalba ang magkasintahan at napagkasunduan nang makita ang guho kinabukasan na hindi na rin hukayin ang kanilang mga labi at hayaan na lamang na magkasama sila sa kanilang himlayan. 


Ilang buwan ang lumipas, isang kakaibang tanim ang natagpuan ng mga taong bayan sa lugar na iyon. Binunot nila ito sa pag-aakalang ito ay isang kakaibang damo ngunit laking gulat nila ng may mga bunga ito sa ilalim ng lupa. Sabi ng mga tao hugis puso ang mga ito na nagpapaalala sa pagmamahalan nina Singka at Amas. Ang balat naman nito ay nagpapaalala sa kakisigan ni Amas, at ang maputi nitong laman ay nagpapaalala sa kagandahan ni Singka. Dulot nito kapag kinain ay kakaibang tamis at ang katas ay pamatid uhaw sa mainit na araw. 


Mula noon ay tinawag nila itong singkamas bilang pag-alala sa walang hanggang pag-iibigan nina Singka at Amas.