Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Wednesday, 18 December 2019

Ang Kasaysayan Ng Pasko




Noong unang panahon ay walang Pasko. Wala pang naririnig na awit ukol sa Pasko. Sinuman ay hindi pa nakakaalala ukol sa sanggol na si Hesus.

Malungkot ang mga tao noon. Nais nilang mapalapit sa Diyos. Nais din naman ng Diyos na maging masaya ang kanyang mga anak. Noon niya ipinadala ang Anak Niyang si Hesus sa Mundo.

Isang lalaking nagngangalang Jose at isang babaing kung tawagin ay Maria ang dumating sa nayon ng Bethlehem, Mahirap lamang sila at walang maraming salapi. Sinubukan nilang manuluyan upang maipanganak ng maayos si Hesus. Subaili't walang nagbigay ng tulong sa kanila bagkus ay pinagsarhan pa sila ng mga pintuan at bintana. Ipinagtabuyan sila hanggang sa sila ay mapadpad sa isang sabsaban. Sa loob ng sabsaban ay may ilang hayop. Nilinis iyon ni Jose. Napakalamig sa lugar na iyon. Pumasok si Maria sa loob.





Ang paligid ng yungib ay biglang nagliwanag. Hindi nagtagal at isinilang ni Maria si Hesus, ang anak ng Diyos. Tinabihan siya ng baka at kabayo upang siya ay mainitan. Nagdatingan ang maraming anghel at nag-awitan. Iyon ang unang awit ng Pasko.

Ipinamalita ng mga anghel sa mga pastol ang pagsilang ni Hesus. Mabilis na kumalat ang balita sa buong bayan. Ang mga dukhang pastol ay agad na naniwala sa mga anghel. Patakbo silang nagtungo sa kinaroroonan ng Sanggol. Lumuhod sila at humalik sa Sanggol. Tuwang-tuwa ang mga Pastol. Alam nilang dumating na ang Hari ng mga Hari. Sa gawing Silangan ay naroon ang tatlong Haring Mago. Natanaw nila ang malaking tala sa itaas ng sabsaban.

"Sundan natin ang talang iyon," ang nawika ng tatlong Hari. "Marahil ay ituturo sa atin ang Dakilang Hari."

Sinundan nga nila ang tala hanggang sa sumapit sila sa Belen. Doon namalas nila ang Sanggol na Anak ng Diyos. Nagbigay sila ng mga handog, ginto, pabango at mira. Kaya ang araw ng Pasko ay tinagurian na araw ng paghahandog. Sa araw na iyan ay ibinigay sa atin ng Diyos ang Anak niyang si Hesus.

Ang Araw ng Pasko ang kaarawan ni Hesus.

Tuesday, 29 October 2019

Alamat ng Aswang


ALAMAT NG ASWANG
Noong unang panahon,lima pa lamang ang tao sa mundo.Isa na dito ay ang batang si Lam-eng.
Kasama niya sa kanilang kahariang patag ang kaniyang Tiyo Samuel.

Nandoon din ang dalawa nilang alalay na sina Inas dilim at si Amir-ika sinag.Gabi-gabing nananaginip si Lam-eng tungkol sa isang lalaking kamukhang kamukha niya na nakatira sa bundok.Dahil sa pagkabahala, tinanong niya ang kaniyang Tiyo Samuel ukol dito.

Sinabi sa kaniya ng kanyang Tiyo Samuel na kambal silang ipinanganak ng kanilang inang supremong bathala.

Siya ay pinatira sa patag kasama ng ng kanyang tiyo at ang kaniyang kambal na si Asuw-eng naman ay mag-isang iniwan sa bundok.Napatigil ang kaniyang tiyo sa pagkukuwento.

Naisip kasi nito na kung sakaling magkasama ang dalawang magkapatid, ay magsasama din ang malalakas na kapangyarihan ng mga ito na maaring makapagpawala sa taglay na kapangyarihan ni Tiyo Samuel.

Kaya naman sinabi agad nito na napakabangis na taong may pakpak at dalawang malalaking pangil si Asuw-eng.

Kaya umano ito inilagay sa bundok para doon kumuha ng mga karne ng hayop bilang pagkain. Mas malakas din umano ito kay Lam-eng at maaari itong lapain sakaling lumapit si Lam-eng kay Asuw-eng.Gayumpaman, nais pa ring makita ni Lam-eng ang kaniyang kapatid. Hindi siya pinayagan ng kaniyang Tiyo Samuel kaya sinabi nito na uutusan na lang niya ang dalawang alalay na umakyat sa bundok para makuha si Asuw-eng. Gagawin ito pagsikat ng araw kinabukasan.

Gabi bago ang araw ng pag-akyat sa bundok, pasikretong tinawag ni Tiyo Samuel si Amir-ika.
Sa kanilang pag-uusap, ibinigay ni Tiyo Samuel kay Amir-ika ang dalawang malalaking karayom.
Kailangan umanong itusok ang dalawang karayom sa leeg ni Inas bago pa sila makarating sa tuktok ng bundok.

Dagdag pa rito, kailangan ding sugat-sugatan si Inas na para bang nilapa ng isang mabangis na hayop.

Umakyat na nga ang dalawang alalay sa bundok, at nangyari ang ayon sa plano. Bumaba si Amir-ika na dala-dala ang bangkay ng kasamang si Inas.

Sinabi nito kay Lam-eng na inatake sila ng isang lalaking may pakpak at malalaking pangil. Buti na lang daw at nakatakbo siya ngunit si Inas ang nabiktima.

Natakot si Lam-eng sa nangyari at paniwalang-paniwala siya na halimaw nga ang kanyang kapatid. Bumaba ang dalawang babaeng anghel na itinakdang magbibigay ng anak sa magkapatid.

Ang isa ay pumunta sa bundok at ang isa kay Lam-eng.Nang magkaanak na si Lam-eng, binalaan niya ang mga ito na huwag pupunta sa bundok dahil nandoon ang halimaw niyang kapatid na si Asuw-eng.Nagpasalin-salin sa lahi ni Lam-eng ang kuwento tungkol kay Asuw-eng.

Unti-unti ding nabago ang tawag sa halimaw, mula sa Asuw-eng ay naging asuwang at ngayon nga ay aswang. Nagkaroon din umano ito ng mga anak.

Ang isa ay nahahati ang katawan na kung tawagin ay manananggal at ang lalaking malaki't matikas na tinatawag na kapre, ang lalaking anak ni Asuw-eng.