Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas

Saturday 22 February 2020

Ang Alamat ng Mansanas

Sa isang bayan ng Antipolo, nakatira ang isang batang palaging nagagalit. Ang pangalan niya ay, Mina. Kasama niya ang tatay niya na si Mang Alfredo sa isang kubo. Si Mina ay may isang matalik na kaibigan na ang pangalan ay Maurice.

Isang araw si Mina at si Maurice ay naglalaro ng takbuhan ng biglang nabanga ni Maurice si Mina. Nagalit si Mina at pinalo si Maurice. Umiyak at umuwi si Maurice. Nakita ni Mang Alfredo si Mina na pinalo niya si Maurice. Tinawag at pinagalitan siya. Sumigaw at nagalit si Mina sa kaniyang tatay. Umakyat si Mina sa taas at natulog. Napanaginipan niya na natapakan niya ang isang maliit na buto at naging kulay pula. Bigla siyang tinawag ng kaniyang ama upang kumain. Natulog nalang si Mina at binaliwala ang tatay niya. "Gabi na at hindi pa kumakain si Mina." sabi ng tatay. "Hayaan ko na lang siya magluto," at natulog na si Mang Alfredo.

Makalipas ang ilang minuto, nagutom at lumabas si Mina at tinawag niya ang ama upang magluto. Gumising si Mang Alfredo at bumaba papunta sa kusina. Sinabi ni Mang Alfredo na inaantok na siya at si Mina na lang ang mag luto. Nagalit ulit si Mina at naging pula ang mukha. "Mina, kapag ikaw ay palaging nagagalit ang iyong mukha ay nagiging pula. Sa kalaunan ang iyong buong katawan ay magiging pula na rin." ang sabi ni Mang Alfredo.





Lumabas si Mina at nagtampo dahil ayaw niya na pinagsasabihan siya. Hindi niya alam na habang tumatakbo siya ay nakatapak siya ng isang mahiwagang buto. Narinig ng buto ang sinabi ng tatay at naging isang matamis na prutas si Mina. Ang tawag sa prutas na ito ay mansanas. Galing sa buo niyang pangalang Mina Sasmundo.

Umaga na at hinahanap ni Mang Alfredo si Mina ng biglang nakita niya ang mansanas. Naalala niya ang anak dahil sa kulay pula niyang kulay. Kinagatan niya ito at matamis ang loob gaya ng pagmamahal ni Mina sa tatay niya. Nasaan si Mina? Siya ay nasa isang malayong lugar. Doon niya matututunan ang pagmamahalan at kasiyahan.

Sunday 19 January 2020

Alamat ng Gagamba

Si Gamba ay isang manghahabi. Siya ang pinakamahusay sa lahat ng manghahabi sa kanilang komunidad.

Sapagkat alam niyang siya ang pinakamagaling, taas noo siya at walang sinumang pinapansin.

"Ate, pahiramin mo naman ako ng karayom na pamburda mo. Pwede ba Ate?"

Galit na umangil si Gamba, "Lumayu-layo ka nga rito. Huwag mong mahiram-hiram ang pamburda ko. Baka masira lang ito, wala kang perang ipambayad dito. Layo!"

Napaiyak ang kapatid na babae ni Gamba. Naramdaman niyang hindi siya itinuturing na kapatid ng ate niya. Parang langit ang taas nito, napakahirap abutin.

Maya-maya, ang kapatid na lalaki naman ang lumapit kay Gamba.

"Ate, Ate tulungan mo naman ako. Pakisulsi mo namn ang napunit na kamiseta ko."

"Lumayo ka rito. Istorbo ka talaga. Doon ka sa Nanay magpasulsi. Walang ginagawa ang matandang iyan! Sige layo ka rito. Layo!"

Narinig ng ina ang mapagmataas na tinig ng anak. Nagpupuyos ang damdamin ng kahabag-habag na ina. Gusto sana niyang saktan si Gamba subalit nagpigil siya.

"Sumusobra ka na Gamba. Obligasyon mong pakitaan ng mabuting asal ang mga kapatid mo. Kung nanghihiram sila sa iyo, pahiramin mo. Kung humihingi sila ng tulong, tulungan mo. Hindi lang kapatid mo ang dapat pagpakitaan mo ng kagandahang-loob. Lahat ng nangangailangan ay dapat mong kalingain." Parang walang narinig si Gamba. Patuloy itong humabi ng tela mula sa mga sinulid na nasa ikitan niya.

Isang gabing inaaya si Gamba ng ina upang maghapunan, pagalit itong sumigaw, "Ano ba kayo. Iniistorbo na naman ninyo ako. Di ba ninyo nakikitang hindi pa ako tapos sa hinahabi ko?"











"Ba...baka magkasakit ka, iha, kung malilipasan ka sa pagkain."

"Wala kayong pakialam."

"Gamba," pagpigil ng mapagmahal na ina, "kasalanan sa Diyos ang pagtanggi mo sa pagkain."

"Ano bang kasa-kasalanan. Wala akong pakialam kung kasalanan man un. Inuulit ko. Pabayaan ninyo ako sa ginagawa ko!"

"Patawarin ka ni Bathala," luhaang sabi ng ina.

"Sana humabi ka na lang nang humabi," inis na hiling ng kapatid na babae ni Gamba.

"Oo nga humabi ka na lang nang humabi...humabi nang humabi," dugtong ng kapatid niyang lalaki.

Ang hiling ng magkapatid ay dininig ni Bathala. Sa isang makapangyarihang tinig ay narinig ng lahat ang galit Nito, Naging mapagmataas ka sa kaunting kaalamang bigay Ko sa iyo. Di mo kinakalinga ang mga kapatid na kailangang tulungan. Hindi mo rin binigyan ng puwang sa puso ang magulang mo! Pati na biyaya sa hapagkainang dulot Ko ay tinatalikuran mo. Bilang parusa, paghahabi na lang ang gagawin mo araw-araw, oras-oras, minu-minuto!"

Pagkasabi nito ay biglang nawalang parang bula si Gamba. Isang insektong paikut-ikot na humahabi ng sapot ang naiwan sa silyang kinauupuan ng dalaga.

Sa awa sa anak ay napahagulgol ang ina at marahang hinaplos nitoang insekto at tinawag na Gamba...Gamba.

Magmula noon si Gamba ay tinawag nang Gagamba na araw at gabi ay walang tigil sa paghabi hindi ng sinulid sa ikiran kundi ng sapot mula sa kanyang katawan.

Iyan ang pinagmulan ng alamat ng Gagamba.