Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: July 2016

Saturday, 23 July 2016

Ang Alamat ng Lansones

Noong unang panahon, hindi kinakain ang lansones dahil lason daw ito. May kumain daw nitong bata na sumakit agad ang tiyan at kinabukasan ay namatay.

"Kay gagandang tingnan sa puno. Puting - puti at mabibilog ngunit lason," sabi ng mga tumitingin sa mga kumpol ng lansones na nakalawit sa puno. "Pampalamuti lang sila sa bakuran. Sayang!"

Wala ngang nais magtanim ng lansones. Madalas naman ay tumutubo na lang ito dahil nga sa nalalaglag sa lupa ang ang mga bunga.

Ngunit walang tumikim na kumain uli nito dahil sa alaala ng batang namatay. "Lason! Hindi dapat kainin." iyan ang sabi ng mga matanda tungkol sa kumpol kumpol na bungang tila nang-aakit na sila ay kainin.

Isang araw, may dumating na napakagandang dalaga sa bayan. May mga taong sumusunod sa kanya habang minamasdan niya ang mga punong hitik ng bunga.

"Bakit hindi ninyo kinakain itong handog sa inyo ng kalikasan? Nalalaglag na lang sila sa lupa at nasasayang," sabi ng dalaga.

"Lason po iyon" sagot ng isang mamamayan. "Namatay daw po ang batang kumain niyan sabi ng matatanda."

Pumitas ang dalaga ng isang bunga, pinirot at inalisan ng balat, saka isinubo. "Tingnan ninyo, nalason ba ako? Kayo, tikman din ninyo."

Namangha ang mga tao. May ilang naglakas loob. "Ang tamis! Ang linamnam!" sambit nila.

Nagsipitas din ang mga naroroon. "Oo nga! Ang sarap ng laman. O, hindi naman tayo nalalason."

Mula noon ang lansones ay kinagigiliwan nang kainin ng mga tao. Inaakalang ang pagkawala ng lason ng prutas ay gawa ng dalaga na pinaniniwalaan nilang isang engkantada. Lalo pa't nababakas daw sa bunga ang pagpisil ng mga daliri ng mahiwagang babae.

Doon na nagsimula na kainin ng mga tao ang dating kinatatakutang bunga ng lansones. At iyon ang tinaguriang alamat ng lansones.

Ang Alamat ng Mais

Tumatakas ang binata at dalaga, magsing-irog na hinahabol ng mga alagad ng batas.

Yakap ng binata ang supot ng mga alahas - mga pulseras, kuwintas, hikaw, singsing na ninakaw niya sa mga libingan.

Nakatakas si Minong sa mga guwardiya sa tulong ng dalaga at kapagkaraka ay silang dalawa na ang tinutugis ng mga ito.

Hindi nagtagal at nahuli sila. Ang babae ay pinakawalan, ang lalaki ay itinali sa puno para ubusin ng langgam.

"Sana'y hindi siya nakita ng matandang babae na nagkakataong may dinadalaw sa libingan," taghoy ni Celia habang nakalupagi sa tabi ng bangkay ng kanyang mahal, "Disin sana ay malayo na kami, at nagbabagong buhay. Pangako niya."

Pagkaraan ng ilang araw, napansin ni Celia na may mga halamang tumubo sa palibot ng punong kinamatayan ni Minong.

Kakatuwa ang bunga dahil may busil na nababalutan ng hile-hilerang mga butil na tila mga hiyas - may puti, may dilaw, may mapula-pula, mga alahas na ninakaw ni Minong at ibinaon sa malapit sa punong kinamatayan.

Inalagaan ni Celia ang halaman at pinarami pa niya ang mga ito para saan man siya magtungo ay magpapaalala sa kanya ng mahal niyang si Minong.

At iyon nga ang alamat ng Mais.

Sunday, 17 July 2016

Alamat ng Saging

Naglalaba si Maring sa tabing ilog, at umaawit habang kinukusot ang mga damit, nang mapansin niyang may binatang nasa likuran niya.

"Kay ganda ng boses mo," bati ng binata.

Hindi agad nakasagot ang nabiglang dalaga, ngunit maya-maya'y ngumiti at nagsabi, "Hindi naman po. Nililibang ko lang po ang aking sarili para hindi gaanong mapagod."

Umupo ang binata sa malaking bato sa tabi ng tubig at binantayan ang paglalaba ng dalaga. Mula noon ay madalas na silang nagkikita. Hinihintay ng binata habang ang dalaga'y naglalaba at dinadala ang palanggana ng damit sa paghahatid sa kanya.

Di nga naglaon, naging magkasintahan ang dalawa. Ilang buwan din silang nagmahalan. Isang umaga, malungkot na sinalubong ng binata si Maring.

"Maring, mahal ko," sabi niya, "Aalis ako ngayon.Uuwi at may pasabi sa akin na pinapatawag daw ako ng aking ama."

"Saan?" tanong ng balisang dalaga. "Saan ka uuwi? Sasama ako."

"Babalik din ako. Hindi ka maaring sumama dahil iba ang mundo ko."

"Bakit iba? Tagasaan ka ba?"



"Engkantado ako. Hindi ka makakapasok sa tinitirahan ko. Sige, aalis na ako."

Hinawakan ni Maring ang kamay ng lalaki. "Huwag mo akong iwan. Paano ako?" sa pagpigil niya sa kamay ng lalaki, biglang natanggal ito at naiwang hawak niya. Ang binata ay naglaho sa kanyang paningin.

"Naku, ano ba ito?" Halos nawala sa ulirat si Maring. "Anong gagawin ko sa kamay na ito?"

Naisipan niyang ibaon sa tabi ng batong laging inuupuan ng mahal niya. Kinakukasan, nang tingnan niya kung ano ang nangyari sa ibinaong kamay, ang nakita niya ay isang mataas nang halaman. May mga bunga na tila mga galamay ng tao.

Hindi na niya muli pang nakita ang kasintahan. Ang tanging nagpapaalala nalang sa naunsiyaming pag-ibig ay ang puno na naglaon ay tinawag nang saging. At iyon nga ang alamat ng saging.

Saturday, 16 July 2016

Kung Saan Nanggaling ang Bigas

Gulay lamang, bungang kahoy, isda at karne ng hayop ang kinakain ng mga tao noong unang panahon. Walang kanin. Dahil walang palay. Hindi nila kilala ang halamang palay at kung may nakikita man silang ganitong tanim ay hindi nila alam kung paano ito maaring kainin.

Isang araw, may ilang lalaki na nangangaso sa gubat. Nakahuli sila ng isang baboy-damo. Bago nila iuwi ito ay nagpahinga munang sumandali sa lilim ng isang puso.

Nagkataong nagdaan ang ilang mga dalaga sa kanilang unuupuan. Sila ay nagsitayo at nagbigay-galang. Hindi nila alam ay mga engkantada pala ang mga iyon.

Inanyayahan sila ng mga dalaga sa kanilang tirahan - isang yungib ngunit maaliwalas at maliwanag. Ipinaghanda sila ng makakain - mga butil na maputi, malata at malinamnam. Noon lamang sila nakatikim ng ganoong pagkain. Nang matapos ang kainan, naramdaman ng mga mangangaso na wari'y nawala ang kanilang pagod at sila'y lalo pang lumakas.

Nagpaalam na sila. Nagsalita ang isa sa mga engkantada, "Bibigyan ko kayo ng mga butil na pananim. Iyan ay mamumunga. Bayuhin ninyo at linisin ang mga butil. Ang bigas na laman ay lutuin ninyo sa tubig at gaya nga ng natikman ninyo ngayon, magbibigay iyan sa inyo ng panibagong lakas at sigla."

Ang bilin ng engkantada ay sinunod ng mga mangangaso. At Iyan na nga ang pinagmulan ng kanin.

Friday, 15 July 2016

Kung Bakit Umaawit ang Lamok sa Labas ng Iyong Taynga

Galit na galit ang Haring Alimango dahil hindi siya makatulog noong gabing nagdaan. "Sino ba iyong tawa ng tawa ng napakalakas kagabi?" Tanong niya sa bantay niya.

"Hindi ako nakatulog sa katatawa niya."

"Si Palaka po." sagot ni Aso. "Pati nga po ako ay hindi rin nahimbing."

"Tawagin mo si Palaka," utos ng hari

Nang dumating at tanungin si Palaka, ang sagot nito ay, "Paano po kayong hindi matatawa dito kay Pagong? Tuwing lalakad siya ay dala-dala niya ang kanyang bahay."

"Tawagin mo si Pagong," utos ng Hari.

Tinawag si Pagong at ito'y tinanong ng hari, "Bakit ba tuwi kang lalakad ay dala-dala mo ang iyong bahay? Pinagtatawanan ka tuloy ni Palaka, at dahil sa kanyang ingay ay hindi ako nakatutulog."

"Kaya ko po dala ito lagi ay dahil nang maiwanan kong minsan, dinapuan ni Alitaptap na may dalang ilaw. Kamuntik na pong masunog. Lagi pong may dalang ilawan si Alitaptap sa gabi."

"Paparituhin ninyo ni Alitaptap," utos na muli ni Haring Alimango

"O, bakit ka ba laging may dalang ilawan?" tanong niya sa kulisap nang ito'y makaharap niya.

"Tulo'y dala lagi ni Pagong ang kanyang bahay dahil baka daw ito masunog kapag iyong dinapuan. Pinagtawanan naman siya ni Palaka at ako ay hindi nakatulog sa labis na ingay."

"Kasi po, kapag nasasalubong ko si Lamok sa dilim ako ay kanyang kinakagat. Nagdadala po ako ng ilaw para kapag nakita ko siya nakalalayo agad ako," mangiyak-ngiyak na pakli ni Alitaptap.

"Si Lamok ang dahilan ng lahat ng gulo. Talagang makulit iyang si Lamok na iyan. Paparituhin siya agad."

Dumating si Lamok at dahil tinawag siyang makulit at dahilan ng gulo, galit niyang kinagat si Haring Alimango. Nabigla ang hari at hinampas niya si Lamok. Tumumba ito at namatay.

Nabalitaan ng mga lamok ang nangyari sa kamag-anak nila. Naghanda sila sa pagsugod sa Haring Alimango. Nakarating naman agad ito sa hari at sa malaking takot nito ay sumuot sa isang butas sa lupa para magtago.

Buhat nga noon, bawat butas na makita ng mga lamok ay inaaligiran nito sa paghahanap kay Haring Alimango.

Ito rin an dahilan kung bakit tila umaawit ang lamok sa labas ng iyong taynga.

Thursday, 14 July 2016

Kung Bakit Nagkagalit ang Aso, Pusa at Daga

Noong bata pa ang mundo, ang aso, pusa at daga ay matalik na magkakaibigan. Nakatira sila sa loob ng isang bahay ng kanilang amo na siya namang nagbibigay sa kanila ng masarap na pagkain.

Isang araw, nagluto ang kanilang amo ng isang malaking hiwa ng karneng baka. Ipapakain niya ang karne sa bisitang darating kinagabihan. Dahil kinakailangan niyang magtungo sa bukid upang diligan ang mga tanim, tinawag niya ang kanyang alagang aso, pusa at daga.

"Pupunta ako sa bukid.  Nakahanda na ang inyong pagkain sa kusina. Pero bantayan ninyo ang tapang nakalagay sa mesa. Handa ko iyon sa bisita na darating mamayang gabi," bilin ng amo.

Nang makaalis na ang amo, sadya namang nag-uanahan ang aso, pusa at ang daga tungo sa kusina. Doon ay nakita nila ang tatlong plato na may kanin at gulay. Ang unang plato ay para sa aso; ang pangalawa ay para sa pusa; at ang pangatlo ay para sa daga. Pagkatapos kumain, nagsimula nang magbantay ang tatlo sa masarap na tapa.

"Ang sarap siguro ng tapang baka," sabi ni daga sa sarili

"Paano ko kaya makukuha ito ng di napapansin nina pusa at aso?"

Upang bigyang katuparan ang kanyang maitim na balak sa karneng nasa mesa, sinubukan ni daga na bolahin ang mga kaibigan.

"Mabuti pa ay doon ka na lang magbantay gate. Baka kasi may pumasok na ibang tao. Kami na lang ni pusa ang magbabantay dito sa kusina," mungkahi ng daga sa aso.

"Tama ka, daga. mas mabuti nga naman ang may bantay sa bakuran," tugon ni aso, sabay labas ng bahay.

Pagkaalis ng aso,ang pusa naman ang binola ng daga.

"Aba, kaibigang pusa! Napansin ko panay ang hikab mo. Mabuti pa ay matulog ka na muna. Ako nalang  ang magbabantay sa tapang baka." mungkahi ng tusong daga.

Pumayag naman ang inaantok sa pusa. Nang tulog na ito, maingat na tinawag ng daga ang mga kaibigang daga sa loob ng malaking lungga.

"Bilisan ninyo! Hilahin ninyo ang tapa palabas ng bahay. Dalhin ninyo ang tapa sa ating lungga. Mamayang gabi, kapag tulog na ang lahat, saka natin iyan kakainin," utos niya sa mga kasama na pawang nanlalaki ang mga mata sa sarap ng tapa na kanilang binabatak.

Tangay ang tapa, lumabas nang mabilis ang mga kabarkadang daga. Tumabi naman ang tusong daga sa nahihimbing na pusa. Nagkunwari itong natutulog din.

Unang nagising ang pusa. Laking gulat nito nang matuklasan niyang wala na ang tapa.

"Anong nangyari? Bakit wala na ang tapa?"

Niyugyog ni pusa ang natutulog pa ring daga. "Nasaan ang tapa?Wala na ang tapa!"

"Ha? E..hindi ko alam." ang sagot ng naalimpungatang daga.

Samantala dahil sa ingay ng daga at pusa, napasugod tuloy sa kusina ang aso. Galit na galit ito nang malaman ang nangyari.

"Ikaw pusa, ang mas malaki. Dapat ikaw nga ang higit na nagbabantay sa nakalatag na tapa, grrrr!!!"

Dinamba ng aso ang pusa na sa takot ay nagtatakbo sa buong kabahayan. Lihim na nakangiti ang dagang nagpasimuno sa kaguluhan.

Habang nagkakagulo ang tatlo, dumating ang kanilang amo. Matinding galit ang ipinamalas nga amo sa tatlo.

"Dapat ay parusahan ko kayo. Mula ngayon, sa labas na kayo ng bahay titira. Ang kakainin ninyo ay pawang tira-tira. Magtitiyaga kayo sa kaning-lamig, tinik, at buto!" nanlilisik ang mga mata ng amo sa galit.

Sa labas ng bahay, patuloy ang away at sisihan ng aso, pusa, at ang daga. Sinisisi ng aso ang pusa,

Ang hindi alam ng daga ay palihim pala siyang minamatyagan ng pusa. Pagkagat ng dilim, nagkunwaring tulog ang pusa. Nakita niyang bumangon ang daga at lumabas ng bakuran. Matahimik at marahan niyang sinundan ang daga.

Nakita ng pusa na pumasok ang daga sa isang butas. Pinuntahan niya ang butas at dahan-dahang binungkal ang lupa sa tabi nito.

Pagkatapos niyang matibag ang lupa, tumambad ang malawak na lungga. Gulat na gulat siya sa natuklasan. Ang kanyang kaibigang daga at iba pang ka-tropa nito ay kumakain ng tapa! Ang tapang nawala sa hapag-kainan.

"Sabi ko na nga ba! Meooww!" nilundag niya ang daga dahil nakatakas ito.

Magmula noon ay hindi na sumama sa pusa at aso ang daga. Kasama ng ibang daga, nanatili na lamang siya sa loob ng lungga. Samantala, lalong humirap ang kalagayan ng aso at pusa. Tuwing naiisip ng aso ang kanyang kalunus-lunos na kalagayan, umiinit ang kanyang ulo at hinahabol niya ang pusa. Kapag nakakakita naman ng daga ang pusa, nagngingitngit siya at hinuhuli niya ito. Pilit niyang pinapaluwa sa daga ang tapang ninakaw at kinain nito.

Nakakatawa ngang talaga kung pilit iisipin. Tapa ang dahilan kung bakit ngayon ay magkakagalit ang aso, pusa at daga.

Tuesday, 12 July 2016

Ang Manok at ang Uwak

Alam ba ninyo kung bakit ang manok ay lagi nang nagkukutkot sa lupa? Alam din ba ninyo kung bakit kapag may lumilipad na uwak sa itaas ay takot na takot ang inahing tatawagin sa ilalim ng pakpak niya ang mga sisiw? Ganito ang pangyayari:

Noong araw, magkaibigang matalik ang manok at ang uwak. Madalas dumalaw ang uwak kay inahin at makipaglaro sa mga sisiw nito. Isang araw, sa paglalaro nila, napansin ng manok na may magarang singsing ang ibon.

"Uy, pahiram naman ng singsing mo. Ang ganda-ganda!" sabi niya sa uwak na mabilis na lumipad uli, pagkabigay sa kanya ng singsing.

Naglalakad ang inahin at tuwang-tuwa na ipinakikita sa ibang hayop ang singsing niya nang lumapit ang isang tandang.

"Bakit mo suot iyang di sa iyo? Iyang uwak pati ay hindi manok tulad natin, kaya hindi ka dapat makipagkaibigan diyan. Itapon mo ang singsing!"

Sa kapipilit ng tandang, itinapon ng inahin ang singsing. Kinabukasan, napansin agad ng uwak na di niya suot ito.

"Nasaan ang singsing ko?" tanong ng ibon.

"Ewan ko," takot na sagot ng manok.

"Naglalakad lang ako ay bigla nalang nawala sa mga kuko ko. Maluwag kasi."

Nahalata ng uwak na nagsisisnungaling ang manok dahil nanginginig ito. "Alam ko, itinapon mo siguro dahil ayaw mo na sa akin. Hanapin mo iyon at ibigay mo uli sa akin. Habang hindi mo naisasauli ang singsing, kukuha ako ng makikita kong sisiw mo at ililipad ko palayo."

Buhat nga noon, tuluy-tuloy ang pagkutkot ng manok sa lupa para hanapin ang itinapong singsing. Pati ibang mga manok, sa pakikisama sa kanya, ay naghahanap din.

Kapag may lumilipad na uwak sa itaas, mahigpit ang tawag ng inahin sa mga sisiw at tinatakluban agad ng mga pakpak dahil baka dagitin ng uwak.

Alamat Bakit Maluwag ang Balat ng Baka?

Noong araw ay may isang lalaki na nag-aalaga ng isang baka at isang kalabaw. Katulong ang mga ito sa bukid sa pagtatanim at mga ibang gawain.

Isang araw, naisipan ng dalawang hayop ang maligo sa ilog. Inalis nila ang kanilang mga damit at lumublob sila sa tubig.
Masaya silang lumalangoy-langoy, nang matanaw nilang dumarating ang mabagsik nilang amo na may dala-dalang malaking pamalo.

Sa pagmamadali nilang makapagbihis, naisuot ng kalabaw ang baro ng baka, at naisuot naman ng baka ang baro ng kalabaw. Tumakbo sila para huwag maabutan ng among galit na galit.


Mabilis na nakalayo ang baka dahil luwag para sa kanya ang isinuot na baro. Ang kalabaw naman ay hindi nakatakbo dahil sa kasikipan ng suot.

Inabutan siya ng amo at hinampas ng hinampas.

Mula noon, maluwag na ang damit ng baka, at mas matulin siyang tumakbo kaysa kalabaw.


Monday, 11 July 2016

Alamat ng Ibong Maya

Bukod sa pagiging malikot, matigas pa ang ulo ng batang si Maria. Hindi masunurin. Hindi niya pinapansin ang mga bilin ng kanyang ina, tulad ng madalas sabihin nito, "Huwag kang kakain ng bigas. Kailangang lutuin muna iyan at magawang kanin bago kainin."

Isang araw, pagkagaling ni Maria sa laruan, nakita niyang nagbabayo ng palay ang ina. Pinanood niyang sandali ang pagbabayo.

Pagkakabayo, ang bigas ay inilalagay ng ina sa isang malaking bigasan at tinatakpan ng bilao.

Nang nakatalikod ang ina, inangat ni Maria ang bilao at pumasok siya sa malaking bigasan. Hindi namalayan ng ina kaya nakakain siyang mabuti ng bigas sa loob ng lalagyan.

Natapos ang ina sa pagbabayo. "Nasaan na naman kaya si Maria?" ang kanyang tanong.

"Siguro ay bumalik na naman sa laruang lugar. Mabuti pa'y magsaing na muna ako at makakain kami ng maaga."

Nang buksan niya ang bigasan, may lumipad na palabas na munting ibon. Ang kulay ng balahibo ay katulad sa baro ng anak.

Si Maria ay hindi na nakita at hinaka ng mga tao na ang ibong galing sa lalagyan ng bigas ay siya at wala ng iba pa.

Ang itinawag sa ibon ay maya, galing sa pangalang Maria.

At iyon ang alamat ng Ibong Maya.

Sunday, 10 July 2016

Alamat ng Suso - Legend of snail

Ito ang alamat ng suso (snail).

Noong unang panahon, isinama ng isang babae ang kanyang anak sa taniman ng palay. gaganapin nila ang seremonyang tinatawag na "apoi" para alagaan ng mga anito ang kanilang palayan.

Habang ginagamasan ang bukid, inaalisan ng mga damo, sinabihan ng ina ang anak na pumunta sa talon at maligo.

Bumalik pagkapaligo ang anak at sumamo sa ina, "Gutom na gutom na po ako. Tayo nang umuwi."

"Hindi muna. Bumalik ka sa talon at maligo muli. Doon ka lamang sa tubig manatili hanggang kita'y tawagin." Nawili sa paggamas ng damo ang ina at hapon na nang maisipang umuwi.

Nang puntahan nya sa talon ang anak,nakita niya'y buhok na lamang at damit nito. Sa mga buhangin sa baybayin ng talon, sa ilalim ng tubig na daloy nito, napansin niya ang mga ginga at katan, mga kalamnan at buto ng kanyang anak.

At nalaman niya na ang kanyang anak ay naging mga suso.

Saturday, 9 July 2016

Alamat ng Pusa at Uwak

Ito ang alamat ng Pusa at Uwak.

Noong unang panahon, may mag-asawang marami ang anak. Dahil sa subsob sa mahirap na gawain ang ama sa bundok, siya'y nagkasakit at namatay.

Nag-asawang muli ang ina, ngunit isang malupit na lalaki. Lagi niyang pinagagalitan at sinasaktan ang mga bata. Marami siyang iniuutos na gawin ng mga ito. Kaunti lamang pati ang pagkaing ibinibigay sa kanila.

Matagal na hirap ang pinattiisan ng mga bata. Isang araw na nasa bundok sila, naisipan nilang humiling sa lumikha, "O, Kabunian, papagbaitin po ninyo sa amin ang aming ina at ama. Malaon po kaming pinagtitiis nila."

Nang umuwi sila sa bahay, hindi nila natagpuan ang mag-asawang mapaniil. Sa halip ay nakita nila sa harapan ng bahay ang isang pusa at sa itaas ng puno ang isang uwak.

Iyan ang kinahinatnan ng mag-asawang pangit ang mga ugali.