Mga Kwento ng Alamat sa Pilipinas: August 2017

Monday, 7 August 2017

Alamat ng Ampalaya

Alamat Ng Ampalaya

Noong araw, sa bayan ng Sariwa naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may kanya-kanyang kagandahang taglay.

Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis, si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay, si Sibuyas na ma manipis na balat, at si Patola na may gaspang na kaakit-akit.

Subalit may isang gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, siya si Ampalaya na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag.
Araw araw, walang ginawa si Ampalaya kung hindi ikumpara ang kanyan itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito ay nagbalak siya ng masama sa kapwa niyang mga gulay.
Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang katangian ng mga gulay at kanyang isinuot.





Tuwang tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay pinagkakaguluhan. Ngunit walang lihim na hidi nabubunyag nagtipon tipon ang mga gulay na kanyang ninakawan.
Napagkasunduan nilang sundan ang gulay na may gandang kakaiba, at laking gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa-isa ang mga katangian na kanilang taglay, nanlaki ang kanilang mga mata ng tumambad sa kanila si Ampalaya.

Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain, isinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalya. Dahil dito nagalit ang diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha sa mga kapwa niya gulay.

Laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran sa ginawa niyang kasalanan. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay nag iba ang kanyang anyo.


Ang balat niya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan maging ang mga ibat-ibang lasa ng gulay ay naghatid ng di magandang panlasa sa kanya at pait ang idinulot nito, at ang kanyang kulay ay naging madilim.

Alamat ng Pilipinas


NOONG unang panahon ay wala pang buahay sa daigdig. Walang mga tao, walang mga halaman, walang mga puno, walang tubig, walang bundok, walang papawirin at wala ring mga hayop.
Dahil walang nakikita at walang makausap ay naging malungkutin si Haring Pinagmulaan. Ibig niyang maaliw ngunit wala namang mapaglibangan. Sa gayon ay ginugol niya ang maraming oras sa pag-iisip kung ano ang dapat niyang gawin. Hanggang bigla siyang mapangiti. May naisip kasi siyang paraan kung paano sasaya.

Nang oras ding iyon ay nilalang niya ang daigidg.
Pansamantala ay nalibang si Haring Pinagmulan. Pero hindi naging pangmatagalan ang kasiyahang iyon. Damang-dama parin niya ang lungkot dahil sa pag-iisa.
Napaiyak si Haring Pinagmulan dahil sa tindi ng lungkot. Pumatak ang dalawang patak ng kanyang luha sa papawirin.

Ang dalawang patak ng luha ay naging mga ibon. Napangiti si haring Pinagmulan habang pinagmamas-dan ang mga ibon sa paglipad.
Walang tigil sa paglipad ang mga ibon kahit pagod na pagod. Wala kasi silang madapuan.
Naawa si Haring Pinagmulan sa mga ibon. Naisip niyang likhain ang lupa at ang gubat upang makapagpahinga ang mga ito.





Nang makakita ng mga kaka-yuhan ay dumapo sa mga ito ang dalawang ibon. Makaraang maka-bawi ng lakas ay muling lumipad ang mga ito.
Walang tigil sa paglipad ang mga ibon. Nais nilang malaman ang lawak ng kalupaang kinaroroonan.
Minsan ay napansin nilang ang isang kawayanan. Dumapo dito ang dalawa. Nagtaka sila nang makarinig ng mga tinig mula sa loob ng malaking biyas.
Tinuktok nang tinuktok ng dalawang ibon ang biyas. Napagod sila sa katutuktok pero hindi tumigil hanggang sa mabiyak iyon.

Mula sa malaking biyas ng kawayan ay lumabas si Silalak, ang unang lalaki.
Nakarinig muli ng tinig mula sa isa pang malaking biyas ng kawayan ang mga ibon.
Tinuktok nila ito nang tinuktok. Nang mabiyak ang kawayan ay isang namang napakagandang nilikha ang lumabas. Siya si Sibabay, ang unang babae.

Sina Silalak at Sibabay ang pinagmulan ng ating lahi. At ang Pilipinas ang pulo kung saan sumihol ang pinagmulan nilang mga biyas ng kawayan.

Ang Alamat ng Pinya



ANG ALAMAT NG PINYA
Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang bugtong na anak. Kaya lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina. Kaya't pinabayaan na lang niya ang kanyang anak.

Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw. Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano ng anak.

 Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya't napilitang si Pinang ang gumagawa sa bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang nangyayari. Walang bagay na di makita at agad tinatanong ang kanyang ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya´t nawika nito: " Naku! Pinang, sana'y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang tanong sa akin.

 Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain.
 Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang.




 Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong uri ang halamang iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito'y magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito'y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata.

 Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pina, na sana'y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang, Sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang pinang ay naging pinya.